top of page

Gawing sports powerhouse sa buong Asia ang ‘Pinas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 18
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 18, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Nagpapasalamat ang inyong Senator Kuya Bong Go sa mga kasamahan ko sa Senado para sa pagkakataong ipagpatuloy ang ating mga adhikain bilang Chairman ng Senate Committee on Sports. Noong September 15, pinangunahan natin ang kauna-unahang public hearing ng komite para sa 20th Congress.


Parang kailan lang noong 2019 nang una nating pinamunuan ang Sports Committee. Sa lumipas na anim na taon, nakakabilib at talagang proud tayo sa narating ng mga atletang Pilipino -- mula sa makasaysayang unang Olympic gold medal natin na napanalunan ng weightlifter na si Hidilyn Diaz sa Tokyo, Japan noong 2021; ang unang championship win ng ating men’s basketball team sa loob ng 61 years sa 2023 Asian Games; hanggang sa historic na double-gold medal win ni Carlos Yulo sa gymnastics noong 2024 Paris Olympics. 


Napatunayan natin na kapag buo ang suporta ng gobyerno at private sector sa ating mga manlalaro, kayang-kaya nating humakot ng medalya. Sa pagdinig ng komite, muli nating tiniyak na ipaglalaban natin ang mas mataas na pondo para sa sports sector. Inihayag din natin ang pagsang-ayon sa pagkakaroon ng isang sports department sa pamahalaan. Sa kabila kasi ng sunud-sunod na karangalang iniuuwi ng ating mga atleta, nananatiling maliit na bahagi ng national budget ang inilalaan sa Philippine Sports Commission. 


Sabi ko nga noong public hearing, bakit hindi na lang gamitin sa sports development, repair ng facilities, o dormitoryo ng mga atleta ang pondong nagagamit sa ghost flood control projects na wala namang nakikinabang? Imbes na gatasan ang kaban ng bayan, suportahan na lang sana ang ating mga atleta para wala na silang ibang iniisip kundi ang mag-training.


Kaugnay nito, isa sa mga isinusulong natin ay ang Senate Bill No. 171 na layong i-regionalize ang National Academy of Sports o NAS na matatagpuan ngayon sa New Clark City, Capas, Tarlac. Bilang author at co-sponsor ng Republic Act No. 11470 na nagtatag sa NAS, pangarap kong magkaroon ito ng regional campuses para sa mga student-athlete natin sa Visayas at Mindanao.  


Sa tulong ng mga kapwa ko mambabatas, isusulong din natin para maipasa ang SBN 413 na layong palakasin ang grassroots competition sa pamamagitan ng mini-Olympics na Philippine National Games. Nag-file din tayo ng SBN 678 para maitatag ang National Tertiary Games na isang national collegiate multi-sport tournament. Ipaglalaban din natin ang SBN 407 o ang Expanded Benefits for Para-Athletes Bill na layong mabigyan ng parehong incentives ang ating para-athletes tulad ng iba pang national athletes.

Magtulungan tayo para muling maging sports powerhouse sa buong Asia ang ating bansa. Get into sports, stay away from drugs, to keep us healthy and fit!


Samantala, bukod sa sports ay patuloy pa rin ang paglapit natin ng serbisyong medikal sa ating mga kababayan. Noong September 11, personal tayong dumalo sa blessing at pagbubukas ng Halfway House o Bahay Pasilungan sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) sa Quezon City kasama si Medical Center Chief Ivy Reside. Ang halfway house ay isang pansamantalang tuluyan na itinayo upang magbigay ng maayos at ligtas na pahingahan para sa mga bantay habang naka-admit at nagpapagaling ang kanilang

mahal sa buhay sa ospital.


Pagkatapos nito, bumiyahe kami patungong Lubang, Occidental Mindoro para saksihan ang ribbon cutting ng isang road project at ang blessing ng isang mini dump truck at isang rescue vehicle.


Namahagi rin tayo ng tulong para sa 300 biktima ng Bagyong Kristine kasama sina Mayor Michael Orayani at Vice Mayor Charles Villas. Nakakuha rin ng karagdagang tulong mula sa pambansang pamahalaan ang mga benepisyaryo para sa kanilang muling pagbangon at pag-recover.


Noong September 13, personal nating dinalaw ang 221 biktima ng sunog sa Barangay 23-C sa Davao City, sa koordinasyon nina Davao City 1st District Councilors Atty. Luna Acosta at Ragde Ibuyan, dating kapitan Alimodin “Wating” Usman, Deputy Randy Usman, Deputy Mayor ng Maguindanao Tribe Gabriel Nakan, at Kagawad Fatima Lao.


Noong September 16, dumalo naman tayo sa Vice Mayors’ League of the Philippines Regional Assembly at Election of Officers ng MIMAROPA sa imbitasyon ni Vice Mayor Apple Fondevilla ng Corcuera, Romblon. Sa araw ding iyon, dumalo tayo sa Vice Mayors’ League of the Philippines Regional Assembly at Election of Officers ng CALABARZON sa imbitasyon naman ni Vice Mayor Laarni Malibiran ng Sta. Cruz, Laguna. Magandang pagkakataon ito para makipag-ugnayan at makipagpalitan ng ideya sa mga lokal na opisyal upang mas mapalakas pa ang serbisyo para sa ating mga kababayan sa rehiyon.


Bukod pa rito, agad ding nakapag-abot ng tulong ang Malasakit Team sa iba pang mga kababayan noong nakaraang linggo matapos nilang matulungan ang 47 biktima ng sunog sa Mati City at 168 sa Tarragona, Davao Oriental; 109 sa Plaridel, Misamis Occidental; at tatlong pamilya mula sa Matalam at Makilala, Cotabato.

Nakapagbigay din tayo ng suporta sa 69 biktima ng pagbaha sa Don Marcelino, Davao Occidental para matulungan silang muling makapagsimula at makabangon.


Dumalo rin ang Malasakit Team sa unang anibersaryo ng Super Health Center sa Nabunturan, Davao de Oro at sa ika-50 anibersaryo ng Institute of Integrated Electrical Engineers of the Philippines, Inc. (IIEE) na ginanap sa Quezon City.


Bilang inyong Mr. Malasakit, magseserbisyo ako para sa Pilipino sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page