top of page
Search
  • BULGAR

Gawing 56 ang edad ng senior citizen, ayos!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 9, 2022


Umani ng iba’t ibang reaksyon ang isinumite nating panukala na maibaba ang edad mula 60 ng isang senior citizen na maging 56-anyos na lamang para maaga at mahaba-haba pang pakinabangan ang mga benepisyo.


Dahil sa ganda ng panukalang ito ay marami ang nagbigay ng kani-kanilang pahayag na hindi na umano ito nararapat dahil kesyo maiiba umano tayo sa pamantayan ng ibang bansa na hindi ko maisip kung bakit dapat tayong gumagaya sa iba.


Ang kapansin-pansin lang ay mas marami pang kalaban sa pulitika ang nagsibangon mula sa kung saan at ngayon ay nagbibigay ng mga pahayag gamit ang ating panukala na wala naman tayong ibang hangarin kung hindi ang kapakanan ng mga senior citizen.

Nais nating amyendahan ang Senate Bill 1573 ng isinumite ang Republic Act No. 7437 na ang kasalukuyang senior citizen sa edad 60 na naninirahan sa Pilipinas ay gawin na lamang 56-anyos upang mas maagang pakinabangan ang umiiral na benepisyo.


Napapanahon ng ibaba natin ang edad para maging senior citizen dahil sa marami sa ating mga kababayan na sa edad 50 ay may kung anu-anong sakit tulad noong nakaraang pandemya na marami ang maagang binawian ng buhay.


Nasa 72-taon lamang ang life expectancy ng mga Pilipino at marami na sa ating mga lolo at lola ang hindi na umaabot sa edad na sesenta, kaya marapat lamang na pagaanin naman natin ang kanilang buhay na makabili ng gamot sa murang halaga para madugtungan pa natin ng kanilang buhay.


May kasabihan nga na aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo, kaya habang may pagkakataon pa ay gawin natin ang nararapat para mapagaan ang buhay ng mga nakatatanda sa atin.


Alalahanin natin ang mga senior citizen na halos hindi na pinahahalagahan ng ilan nating mga kababayan ay siyang humubog kung anuman ang meron tayo ngayon, kabilang na ang ginagalawan nating lipunan at ang kabuuan ng bansa.


Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) noong Disyembre 2022, 7.33% ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay pawang senior citizen na humantong sa kamatayan kumpara sa 0.76% na ang edad 18 hanggang 59.


Sa ilalim ng umiiral na batas, ang senior citizen ay nakikinabang na sa mga sumusunod: 20% discount at VAT-exemption sa gamot, medical supplies at equipment, transportation fares kabilang na ang land at domestic air at sea travel fares, hotels, restaurants, recreation centers at iba pang lugar, tulad ng sinehan.


Exempted din ang mga senior citizen sa income tax, partikular ang mga minimum wage earners; minimum ng 5% discount sa monthly water at electricity bills; exempted din sa training fees para sa socioeconomic programs.


May libre ding medical, dental, diagnostic at laboratory services sa lahat ng pasilidad ng pamahalaan; provision ng express lanes sa lahat ng commercial at government establishments; at death benefit assistance.


Pero dahil sa gusto nga natin ay madagdagan pa ang tinatamasang benepisyo ng mga senior citizen ay nagsumite pa tayo ng isa pang panukalang batas, ito ang Senate Bill No.1558 na naglalayong obligahin naman ang mga establisimyento na magtalaga ng upuan.


Nakapaloob sa panukala nating itong na bukod sa iba pang establisimyento ay kabilang din ang mga restaurants, libraries, recreational centers at venue halls na dapat may nakahandang upuan at lamesa sa mga senior citizen upang maramdaman nila ang sinsero nating pagkalinga.


Ganito kahalaga ang ating mga senior citizen at kahit tingnan pa ng lahat ang mga isinumite nating batas ay napakarami ng tungkol sa pagtugon sa mga senior citizen—tulad ng Abot-Kayang Gamot, pag-amyenda sa Section 2 ng RA 10868 of the Centenarians Act of 2016.


Ito ang pagbibigay ng cash gift na P100,000 sa bawat Pilipino na aabot ng 100-taon na ipamamahagi ng tatlong bigay-P25,000 sa mga umabot na sa edad na 80; panibagong P25,000 kapag umabot na sa edad 90; at natitirang P50,000 ay pagsapit na ng 100-taon.

Kaya ang ginawa nating pagsumite na amyendahan na gawing 56 ang edad ng senior citizen ay taliwas sa sinasabi ng mga nagpapapansin na pamumulitika lamang ito, dahil sa pagtupad ito sa mga binitawan nating pangako noong panahon ng kampanya.


Simula’t sapul, ang hangarin natin bilang lingkod-bayan ay matulungan at mapagaan ang buhay ng bawa Pilipino, lalo na ang sektor na madalas ay nakakaligtaan na dahil sa kanilang edad—ito ang ating mga lolo at lola.


Sana lang ay huwag gamitin ng mga nais na mapansin ang mahahalagang panukalang, tulad nito at sinasabing maliwanag na pamumulitika lamang umano para makakuha ng dagdag boto dahil noon pa man ay ginagawa na natin ito.


Ngayon ay kitang-kita kung sino ang nagpapansin at namumulitika dahil ngayon pa lamang ay tumututol na sa kapakanan ng mga senior citizen.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page