Gastos sa pagpapaayos ng isang co-owned property
- BULGAR
- 1 day ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 23, 2025

Dear Chief Acosta,
May katanungan ako tungkol sa pagpapaayos ng kapatid ko sa tirahan namin. Ang tirahan namin ay nahahati sa aming dalawa. Ito ay naiwang ari-arian ng mga yumao naming magulang noong nakaraang taon. Ang kuya ko ay nagpaayos ng bahay namin nang wala akong pahintulot. Ang dahilan niya sa akin ay hindi na diumano niya ako mahihintay na bumalik sa bahay upang tanungin ako dahil diumano ay guguho ito kung hindi niya ipaaayos. Pinagawa niya ang pundasyon ng bahay dahil ito ay hindi na pantay at kumikiling o tumatagilid na papunta sa isang tabi. May karapatan ba siyang singilin ako kahit na hindi naman ako pumayag sa kagustuhan niyang ipaayos ito? – Jessa
Dear Jessa,
Ang “co-ownership” ay nangyayari kapag dalawa (2) o higit pang tao ang may karapatan sa pagmamay-ari sa isang ari-arian tulad ng lupa o bahay. Madalas itong nangyayari sa mga mana, lalo na kapag walang malinaw na hatian ang mga tagapagmana. Sa ilalim ng Artikulo 484 ng New Civil Code ng ating bansa, partikular na nakasaad na:
“Article 484. There is co-ownership whenever the ownership of an undivided thing or right belongs to different persons.”
Dagdag pa rito, ayon sa Artikulo 485 at 488 ng nasabing batas:
“ARTICLE 485. The share of the co-owners, in the benefits as well as in the charges, shall be proportional to their respective interests. Any stipulation in a contract to the contrary shall be void.
ARTICLE 488. Each co-owner shall have a right to compel the other co-owners to contribute to the expenses of preservation of the thing or right owned in common and to the taxes. Any one of the latter may exempt himself from this obligation by renouncing so much of his undivided interest as may be equivalent to his share of the expenses and taxes. No such waiver shall be made if it is prejudicial to the co-ownership.”
Ibig sabihin, ang bahagi ng bawat co-owner sa mga benepisyo at pati na rin sa mga gastusin, ay dapat naaayon sa kani-kanilang bahagi o interes sa ari-arian. Anumang kasunduan na taliwas dito ay walang bisa. Kung kayo ay nagmamay-ari ng isang bagay nang magkakasama (halimbawa, magkakapatid na nagmana ng isang lupa), ang kita (halimbawa, renta mula sa lupa) at gastos (halimbawa, buwis o pagkumpuni) ay hahatiin base sa porsyento ng pag-aari ng bawat isa.
Ang bawat co-owner ay may karapatang pilitin ang ibang co-owners na mag-ambag sa gastusin para mapanatili ang bagay o karapatang kanilang pag-aari nang magkakasama, pati na rin sa pagbabayad ng buwis. Ang sinuman sa kanila ay maaaring hindi na mag-ambag kung isusuko niya ang bahagi ng kanyang pag-aari na katumbas ng halagang dapat na kanyang iniambag para sa gastos at buwis. Ngunit hindi ito maaaring gawin kung makakasama ito sa buong co-ownership.
Sa iyong sitwasyon, may karapatan ang iyong kuya na singilin ka para sa halagang nagastos niya sa pagpapagawa ng pundasyon ng inyong bahay. Ang gastusing iyon ay para sa preserbasyon ng bahay na pareho ninyong minana sa inyong magulang, upang hindi ito gumuho. Kaya naman, kinakailangan kang mag-ambag. Tandaan na bawat co-owner o kapwa may-ari ay may karapatang maningil para sa gastos sa pangangalaga na panatilihin ang ari-arian o sa iyong kaso, ang inyong tirahan. Ang gastos ay mahahati sa proporsyon base sa bawat interes ng co-owner. Kahit na hindi ka niya hiningan ng pahintulot, maaari ka pa rin niyang singilin ng iyong parte sa halagang kanyang nagastos para rito. Ito ay isa sa iyong obligasyon bilang co-owner.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments