top of page
BULGARY - LUCAS LORENZO, NA-BANNED DAW SA GOLF DAHIL SA SABLAY NA ASA-IG _juliabarretto.jp

Gamit ng “Apostille” mula sa DFA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 22, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 22, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nais kong magtrabaho bilang domestic helper sa Italy, at isa sa mga hinihinging dokumento ng aking ahensya ay ang “Apostille” para sa aking high school diploma. Hindi ko pa lubos na nauunawan ito at paano ito makukuha. Maaari ba ninyo akong gabayan tungkol dito?

— Alora



Dear Alora, 


Maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang nangangailangan ng mga lehitimong dokumento para sa iba’t ibang transaksyon sa ibang bansa, tulad ng trabaho, kasal, o edukasyon. 


Ang “Apostille” ay isang sertipikasyon na ginagamit para gawing opisyal at katanggap-tanggap sa ibang bansa ang mga dokumento mula sa Pilipinas. Ito ay nagpapatunay na ang isang dokumento ay tunay at lehitimo. Halimbawa, kung may dala kang diploma o kontrata na kailangan mong ipakita sa ibang bansa, kailangan itong magawan ng

“Apostille” para kilalanin bilang tunay at lehitimong dokumento roon.


Ayon sa International Apostille Convention, ang Pilipinas ay kasapi sa Convention of 5 October 1961 Abolishing the Requirement of Legalization for Foreign Public Documents o mas kilala bilang Hague Apostille Convention mula pa noong ika-14 ng Mayo 2019. Ibig sabihin, ang mga dokumentong nagawan ng “Apostille” sa Pilipinas ay agad na kikilalanin sa higit sa 125 bansang kasapi rin sa naturang konbensyon sa kasalukuyan. (https://www.hcch.net/en/instruments/conventions/specialised-sections/apostille)

Sa pamamagitan ng “Apostille”, nagiging mas madali para sa mga OFWs ang paggamit ng kanilang mga dokumento sa ibang bansa. Nakatutulong ito upang mapadali ang proseso ng pag-aasikaso ng mga kinakailangang papeles para sa trabaho, edukasyon, at iba pang legal na transaksyon. 


Patungkol sa iyong kahilingan na magabayan sa pagkuha nito, narito ang mga hakbang sa ating bansa para makakuha ng “Apostille” ayon sa website o pahina ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas o Department of Foreign Affairs (DFA). Una, dapat siguraduhing ang dokumento ay orihinal, lehitimo, at nanggaling sa may awtoridad na mag-isyu nito. 


Halimbawa sa iyong sitwasyon, ang high school diploma ay dapat manggaling sa mataas na paaralan kung saan ikaw ay nagtapos. Pangalawa, dalhin ang nasabing dokumento sa DFA. 


Ang dokumentong pinapagawan ng Apostille ay susuriin ng mabuti sa DFA. Panghuli, kuhanin ang iyong dokumento matapos na masuri ng DFA. Ang mga kumpletong requirements at hakbang sa pagkuha ng “Apostille” ay matatagpuan sa Citizen’s Charter ng DFA na makikita sa kanilang website.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page