top of page

Ga-graduate sa 4Ps, tiyak na magkakabahay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 13 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | October 1, 2025



Boses by Ryan Sison


Matagal nang nakikipaglaban ang ating lipunan sa kahirapan, kaya malaking hakbang ang anumang programa ng gobyerno na hindi lang nagbibigay ng pansamantalang tulong kundi nagtatatag din ng pangmatagalang pundasyon para sa mga pamilyang Pinoy. 


Sa mga mahihirap na kababayan, hindi nagiging sapat na puro ayuda at cash grants ang ipinamamahagi, kailangan din ng maayos na tahanan na magsisilbing matibay na sandigan ng bawat pamilya. 


Kaya naman pinagtibay ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang kasunduan na mag-uugnay sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program. Sa pamamagitan ng Joint Memorandum Circular (JMC) na nilagdaan ng dalawang kagawaran, tiniyak ng mga ito na ang mga pamilyang graduating o magtatapos na mula sa 4Ps ay magkakaroon ng housing assistance o pabahay. 


Ang Abuab Towers, na nasa San Mateo Rizal, ay isa sa flagship projects ng Expanded 4PH. Ito ay binubuo ng 17 gusali na may kabuuang 4,330 housing units sa loob ng 4.6-ektaryang lupain. Dito rin isinagawa ang seremonyal na turnover ng mga unit sa piling pamilya, patunay na ang programa ito ay hindi lamang pangako kundi aktuwal na tulong sa mga benepisyaryo. 


Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ang inisyatibong ito ay nagpapatibay ng pagkakaisa o ugnayan ng gobyerno na nagbibigay ng mas ligtas, matatag, at marangal na tahanan. 


Binigyang-diin niya na ito ay alinsunod sa utos ng Pangulo na tiyaking lahat ng tulong ay makararating sa higit na nangangailangan. 


Sinabi naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang pangmatagalang epekto ng kolaborasyon ay ang integrasyon umano ng 4Ps at 4PH na magbibigay ng mas malaking benepisyo sa mga pinakamahihirap na pamilya, dahil ang pabahay ay nagsisilbing karugtong ng cash transfers at livelihood programs na nakatutulong sa kanila para sa mas matatag na kinabukasan. 


Masasabi natin na isa itong konkretong halimbawa ng whole-of-government approach na mainam na isinusulong na rin ng gobyerno upang palakasin ang suporta ng bawat ahensya at lokal na pamahalaan. 


Kung tutuusin sa mas malalim na pag-unawa, ang hakbang na ito ay hindi simpleng pagpapatayo ng bahay, kundi ito ay pagtulong sa mga mahihirap na kababayan na magkaroon ng sariling kuwento ng tagumpay. 


Kung ang bawat pamilya ay may maayos na tirahan, mas nagiging posible ang masiglang kabuhayan, maayos na kalusugan, at mas ligtas na pamumuhay. Ito ang magiging batayan ng isang bagong Pilipinas -- isang lipunang hindi lamang nakakaraos, kundi may kakayahang umasenso sa buhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page