Search
  • BULGAR

Frontliners at mahihirap na mamamayan, prayoridad sa bakuna

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 19, 2021



Nitong nakaraang linggo, tayo ay nagdiwang ng Araw ng mga Puso. Sana ay naging makabuluhan ang selebrasyon kapiling ang ating mga minamahal sa buhay.


Misyon nating tulungan ang ating mga kababayan na patuloy ang paghihirap sa kabila ng ating mga kinahaharap na pagsubok. Kaya minabuti nating ituloy ang pag-iikot sa iba’t ibang parte ng ating bansa para makapagserbisyo at makapag-abot ng kaunting tulong.


Noong Sabado, February 13, pumunta ang ating team sa Antipolo, Rizal para mag-abot ng ayuda sa 69 na manggagawa ng Boso-Boso Highlands Resort and Hotel at 25 na trabahante ng Kaulayaw Café na lubhang apektado ang pamumuhay dahil sa pandemya.


Pagdating ng Lunes, February 15, pumunta tayo sa Cagayan para tulungan ang 1,146 na mga benepisaryo sa Iguig at 2,164 naman sa Solana na patuloy pa ring bumabangon dahil sa dumaang Typhoon Ulysses nitong huling taon. Naghatid din tayo ng tulong sa 700 na benepisaryo sa Enrile, Cagayan nitong Martes. Nag-abot din tayo ng tulong sa libu-libong benepisaryo sa iba’t ibang bayan ng Isabela, tulad ng Santo Tomas, Tumauini, San Mateo, Reina de Mercedes at Cauayan City.


Nitong Martes naman, February 16, personal nating binisita ang munisipalidad ng Kibawe sa Bukidnon upang mag-abot ng ayuda sa 674 na mga Lumad at farming cooperatives na naapektuhan ang pamumuhay. Kasama ang Bureau of Fire Protection, na nag-turnover ng Fire Truck para sa lokal na pamahalaan ng Kibawe.


Pagsapit ng Miyerkules, February 17, dumalaw tayo sa mga naging biktima ng Typhoon Vicky sa Bunawan, Agusan del Sur kung saan 4,097 na benepisaryo ang ating natulungan, habang 3,698 benepisaryo naman ang nakatanggap rin ng kaparehas na tulong sa nasabing bayan nitong February 18.


Sa parehong araw, umabot din tayo sa Cavite para tulungan ang 116 nating mga kababayan na mula sa lungsod at bayan ng Dasmariñas, General Trias, Silang, Tanza, Tagaytay at Imus na lubhang naapektuhan rin ng pandemya.


Kahapon naman, February 18, personal kong binisita ang mga kababayan nating mangingisda sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte upang makapag-abot ng tulong. Ang aking staff naman ay pumunta sa Talisay City, Cebu para maghatid ng tulong sa mga nabiktima ng sunog.


Sa lahat ng mga pagbisita, namahagi tayo ng food packs, gamot, masks, at face shields sa ating mga kababayan. May iilan ding mga benepisaryo na nakatanggap ng sapatos at bisikleta para makatulong sa kanilang transportasyon. May nakatanggap din ng computer tablets para makatulong sa kanilang mga blended learning set-up.

Palaging handa ang pamahalaan para sa anumang sitwasyon. Paparating na ang mga bakuna na makatutulong sa pagtigil ng pandemyang ito. Prayoridad nating bakunahan ang mga frontliners pati na ang mahihirap nating kababayan. Tinitiyak nating walang Pilipino ang maiiwan sa ating paglalakbay patungo sa pagbangon.


Ang pakiusap lang sa lahat na sumunod palagi sa mga health protocols, tulad ng paghugas ng mga kamay, pagsuot ng mask at face shield, at social distancing para manatiling ligtas ang ating mga komunidad. Kapit lang at magbayanihan tayo, mga kababayan! Kayang-kaya natin ito!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.