top of page
Search
  • BULGAR

Frienship over na? JAYDA, NAGPA-PICTURE KAY ANDREA, FRANCINE NAGALIT

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | April 18, 2024



May nangyari palang tampuhan o hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina Francine Diaz at Jayda Avanzado dahil kay Andrea Brillantes? 


Nagulat kami dahil simula yata nang pasukin ni Jayda ang industriya ay wala kaming narinig na kinasangkutan niyang isyu dahil mabait ang batang ito at nalaman lang ito sa solong panayam niya sa Cristy Ferminute radio program nina Nanay Cristy Fermin at Romel Chika kahapon sa 92.3 Radyo 5 TRUE FM. 


Naitanong ni ‘Nay Cristy sa nag-iisang anak nina Dingdong Avanzado at Jessa Zaragoza na magkaibigan sila ni Francine pero bakit hindi na ngayon, ano’ng nangyari? 


Nabanggit na secretive pa ang dalaga dahil wala naman itong kinukuwentuhan. 


“Sige po ‘Nay, para sa pagpapakatotoo po, matagal na rin pong hindi kami nag-uusap ni Francine. Siguro po, ang huli ay nu’ng birthday niya na binati ko siya in private and magiging honest po ako na may mga nangyari po na hindi pagkakaunawaan sa aming dalawa or nagkaroon po ng disagreement,” bungad ni Jayda.


Hirit ni ‘Nay Cristy, “Ikorek mo ako kung hindi totoo. Totoo bang nagkasama kayo sa isang party ni Francine Diaz at maraming-maraming artista ang nandoon nu’ng gabing iyon at nagkataon na nagkaroon ka ng picture with Blythe, si Andrea (Brillantes). Totoo ba na pagkatapos kang makita na nakipag-pose ka kay Andrea Brillantes, kulang na lang na murahin ka niya? 


“Anak, gusto kong malaman ang totoo kasi hindi ko gusto ‘yung pamemersonal. Hindi natin pag-aari ang mundo, kahit sino ay puwedeng magparetrato kahit kanino.  Ano ang totoo sa isyu?” 


Habang nagsasalita si Nanay Cristy ay napapangiti si Jayda, “Well, totoo naman po na nagkasama kami ni Blythe sa isang party, saka parang nagkataon lang din po talaga kasi co-host po siya ng party na iyon at nag-picture naman po talaga kami kasi maliit lang naman po ang mundo ng showbiz. 


“Ganito na lang po ‘Nay, siguro in respect to the events na nangyari po, sa ngayon po, hindi ko na po ie-elaborate po ang mga detalye. Ito na lang po ang sasabihin ko, ‘yung picture namin ni Blythe na I would just really say na importante sa akin na nakikisama po ako sa lahat ng tao sa industriya.


“Aaminin ko po na nagkaroon po ako ng konting backlash sa post na ‘yun na nagsama po kami (sa picture ni Blythe) pero para po sa akin, pinalaki po ako ng magulang ko po na dapat may respeto po ako sa lahat ng tao na nakikilala ko po sa industriya. And lalo na po sa akin, kung si Blythe man po ay nagpapakita ng maganda o okay na pagtrato sa akin.” 


Sundot ni ‘Nay Cristy, “Walang ginawang masama sa iyo si Blythe! Sorry, ha, hindi ako pabor du’n! Kung kaaway ko ang isang tao, hindi ako hahanap ng isa pa na aawayin ‘yung tao na kaaway niya, hindi tama ‘yun.”


At isa-isang binasa na ng CFM host ang lahat ng reaksiyon ng CFM’ers tungkol sa inasal ni Francine na hindi dapat magalit kay Jayda dahil lang sa nagpa-picture ito kay Andrea.


May nagsabi na dahil mabait si Jayda kaya tinanggap na lang nito ang lahat ng salita ni Francine Diaz. 


At dito nabuking na ‘nanligaw’ din pala si Seth Fedelin kay Jayda dahil tinanong ni ‘Nay Cristy.

Tila nabingi ang singer-songwriter sa tanong kaya sabi niya, “Ito na lang po ang sasabihin ko, no comment na lang po.”

 

Ang akala raw ng mga tagapakinig ng CFM ay nagalit si Francine kay Jayda dahil kay Seth na nanligaw, ‘yun pala ay dahil kay Blythe. 


Kuwento pa ni ‘Nay Cristy na sinabihan daw ni Francine si Jayda ng, “Hindi mo pa alam na ‘yang si Blythe ang nag-try na sumira sa career ko? Mabuti na lang at hindi siya naging successful. May katotohanan?” 


“Sabi ko nga po ‘Nay, in respect to the people involved, parang there are certain things din po na it’s not my place to say (anything). Magiging prangka po ako na labas po ako sa isyu, so ayoko na pong sumali pa ru’n,” pakiusap ni Jayda. 


Puring-puri naman nina ‘Nay Cristy at Romel Chika ang Cornerstone artist dahil napakamarespetong bata raw nito. 


Anyway, ang isa sa mga binasang komento ng mga CFMers, “Aling Francine, wala ka pa namang napapatunayan para magtaray kay Jayda, you look demure pero napaka-maldita mo pala!” 


Bukas ang BULGAR sa panig ni Francine o ng kampo niya.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page