Friendship, nasira… MARCO AT SUPER TEKLA, BAD TRIP KAY DONNALYN DAHIL SA P1 MILYON,
TINAWAG PANG MADAYA
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | May 13, 2021

Kontrobersiyal ngayon ang YouTube vlog ni Donnalyn Bartolome na “Last to Leave Pool Challenge” kung saan ay nag-participate ang mga celebrities nating sina Marco Gumabao, Super Tekla, Donita Nose, Mika Salamanca at Asian Cutie.
Ang title ng vlog ay Extreme Last To Leave The Pool Wins 1 Million which means may tumataginting na P1 M na pinaglalabanan ang mga kalahok kaya talagang patagalan at patigasan sila sa pag-stay sa pool at inabot sila nang dalawang araw.
Ang nag-organize ng challenge ay si Donnalyn mismo at siya rin ang magbibigay ng premyo.
Masayang nagsimula ang grupo, pero nang tumagal na at inabot na the following day, dito na nagkaroon ng problema.
Habang nasa pool sila ay maraming gimik ang team ni Donnalyn na ginawa para matakot ang mga participants at umalis sa tubig. Ang unang inilagay nila sa pool ay mga buhay na insekto. Pero parang balewala naman ito sa mga kalahok.
Hanggang later ay naglagay na ang team ng mga buhay na ahas at baby crocodiles at dito na naalarma ang lahat, dahilan para umalis na si Donita Nose. The rest, talagang matitibay pa rin.
At one point ay umupo si Marco sa railing ng pool at sinita siya ni Donnalyn.
“Marco you’re out!” sabi ng singer-vlogger.
Hindi pumayag si Marco at dito na sila nagtalo.
“Nasa tubig ako. Ang usapan, out of the pool (ang maa-out), not out of the water,” pangangatwiran ni Marco.
So, panay ang paalis sa kanya ni Donnalyn. “Marco, out ka na, umalis ka na!”
Sey naman ni Marco, “Grabe, ang daya n’yo, hindi ganu’n ‘yun.”
Paliwanag naman ni Donnalyn, “Hindi, kailangan nga, nasa tubig, kasi ang daya mo naman. Kami, nakalublob kami, ikaw, hindi.”
Pero ipinagpipilitan pa rin ni Marco na wala raw siyang nilabag na rules.
Lumipas pa ang ilang oras at inabot na sila nang madaling-araw, nasa pool pa rin si Marco kahit paulit-ulit siyang pinapaalis ni Donnalyn.
Hanggang sa nagbigay ng bagong rule si Donnalyn na dapat ay may linya lang sila kung hanggang saan sila at ang lumabas ng line ay out na. Paliit nang paliit ang line since wala talagang naa-out sa kanila.
Heto na, napausog si Tekla sa labas ng line dahil may dumaang crocodile. In-out nila ang komedyante.
Tila pikong sagot ni Tekla, “Wala namang sinabi na lumampas, ang sabi, umangat. Ang labo naman ng rules ninyo.”
Pag-ayon naman ni Marco, “Malabo talaga ang rules.”
Nagpoprotesta pa si Tekla, pero talagang out na siya.
“Lokohan? Okay, fine,” aniya.
Sey pa ni Tekla kay Donnalyn, “Late ka nagsabi ng rules, dapat bago mag-start ang ano, dapat clear lahat ang rules. That’s it. Kompetisyon ‘to, eh.”
Nang ianunsiyo na ang last 3 contestants, nagulat si Marco na hindi na talaga kasama ang name niya.
Walang nagawa sina Marco at Tekla kundi umalis na sa pool at halatang dismayado sila.
Natapos ang vlog na hindi malaman kung sino ang nanalo although ang ibang nakapanood ay nagkomento na baka naman may part 2 pa.
Last Tuesday ay nag-post si Donnalyn sa kanyang Facebook account at nagpaliwanag.
“Deleted na 'yung vlog, okay na tayo? P1 M 'yun. P1 M. 1 million pesos galing sa akin mismo 'yung pera na 'yun. Tingin n'yo, madali lang ibibigay ang P1 M? Malamang, may ahas at crocodile ru'n kaya mas okay magsialisan na lahat sa pool, nangangagat talaga 'yung mga buwaya na 'yun. Kaya nga tayo may waiver at medic kasi unsafe. Kaya ko doblehin 'yang P1 M na 'yan making content with you guys, kikitain natin 'yan kahit 'di kayo manalo, so sana, walang pikunan.
“Sayang friendship grabe..
“LAST TO LEAVE THE POOL WINS 1 MILLION PESOS tapos kailangan bawal new rules? Puwede umakyat sa railing for like 30 seconds and still be in the game? Come on,” post ni Donnalyn.
Kahapon ay nag-post uli sa kanyang FB ang singer at muling nilinaw na hindi siya nandaya.
Ang curious kaming malaman ay kung sino ang nanalo ng P1 M dahil wala pang announcement si Donnalyn tungkol dito. Hindi kaya nasa pool pa sila hanggang ngayon?





Comments