top of page
SHEET - ARCHIE, NAKITAAN NI GEE NG 2 SACHETS NG DRUGS SA KOTSE-IG _archiealemania & _ogied

Flash flood sa Grand Canyon, 2 dedo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Justine Berganio @Overseas News | September 2, 2026



Baha sa Grand Canyon, flash flood sa Havasu Creek - NPS

Photo: Baha sa Grand Canyon, flash flood sa Havasu Creek - NPS



Dalawa ang kumpirmadong nasawi habang isa pa ang patuloy na hinahanap matapos hagupitin ng flash flood ang ilang bahagi ng Grand Canyon National Park sa Arizona, Estados Unidos nitong weekend.


Kabilang sa mga nasawi si Dr. John Giusti, 46, isang chiropractor mula Granbury, Texas at ama ng tatlong anak. Kasama niyang nag-hike ang magkakaibigang sina Brent Rosenkranz at Timothy Allen Smith, na kapwa asawa at mga ama rin.


Pumasok ang tatlo sa Grand Canyon noong Biyernes at nagtungo sa Bright Angel Campground. Plano nilang manatili roon nang dalawang gabi, maglibot sa mga trail at mangisda bago ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay patungong Havasupai Gardens.


Hindi na nakauwi ang grupo matapos biglang tumaas ang tubig at rumagasa ang putik at debris sa Bright Angel Canyon at Phantom Ranch. Ayon sa mga pamilya, patuloy na umaasa silang ligtas na mahahanap sina Rosenkranz at Smith.


Umabot naman sa tinatayang 15 katao ang unang naiulat na nawawala, ngunit pagsapit ng Lunes ng gabi ay isa na lamang ang opisyal na itinuturing na missing. Patuloy namang kinukumpirma ng mga awtoridad ang kalagayan ng iba pang hikers at turista.


Nasa 61 katao ang nailigtas ng Arizona Department of Public Safety noong weekend. Gayunman, nahirapan ang rescue teams na ipagpatuloy ang operasyon dahil sa panibagong malakas na ulan na pumigil sa paggamit ng mga helicopter.


Bukod sa masamang panahon, malaking hamon din ang lokasyon dahil walang mga kalsada sa loob ng parke. Karaniwang naglalakad, sumasakay ng mule o gumagamit ng helicopter ang mga tao para makapasok at makalabas sa malalayong bahagi ng Grand Canyon.


Nawasak din ng rumaragasang baha ang halos lahat ng footbridge sa Bright Angel Creek, dahilan para tuluyang mawalan ng tawiran ang mga hikers sa ilang bahagi ng lugar.


Ikinuwento naman ng ilang nakaligtas ang kanilang muntik nang maipit sa baha. Ayon kay Erica Viola, napilitan silang tumakbo nang makita ang mabilis na pagtaas ng tubig, habang kalaunan ay nawasak din ang footbridge na dinaanan nila patungo sa ligtas na lugar.


Samantala, nakalabas man nang buhay ang isang hiker na si Steve Kramer, kinailangan pa rin niyang umiwas sa mga batong gumuho habang tinatahak ang mahirap na ruta palabas ng canyon.


Patuloy ang search-and-rescue operation habang nananatiling mahirap ang kondisyon sa lugar. Hiniling naman ng mga pamilya ng mga nawawalang hikers ang patuloy na suporta at panalangin para sa kanilang mga mahal sa buhay at sa mga rescuers na naghahanap sa kanila.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page