top of page
SHEET - PAULO, MAY PATUTSADA SA NINAKAW NA PERA_IG _pauavelino.jpeg

Final answer — PBBM... Walang Bgy., SK Elections 

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
1 min read

ni Mylene Alfonso @News | September 26, 2026



Bongbong Marcos - RTVM

Photo: File / RTVM



Pirmado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026.


Sa ilalim ng Republic Act No. 12326, inilipat ang susunod na BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at pinalawig sa limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK.


Dahil dito, ang mga barangay at SK officials na nahalal noong 2023 ay mananatili sa kanilang puwesto hanggang sa halalan sa 2028, na nagbibigay sa kanila ng karagdagang dalawang taong panunungkulan.


Bunsod nito, inaasahan ni Marcos na gagamitin ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay ang karagdagang panahon sa kanilang panunungkulan upang higit na mapabuti ang serbisyo-publiko at matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga komunidad.


Ang pagpapaliban aniya, ng BSKE ay hindi simpleng pagpapahaba ng panunungkulan kundi dagdag na panahon para mas mapabuti ang serbisyo sa taumbayan.


“Sa paglagda natin sa batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, malinaw ang ating inaasahan sa ating mga kasalukuyang opisyal. Gamitin ang panahong ito upang mas pagbutihin ang serbisyo, tapusin ang mga nasimulang programa at mas tutukan ang pangangailangan ng bawat komunidad, pamilya at kabataan,” ayon sa Pangulo.


Binigyang-diin ng Palasyo na kaakibat ng karagdagang panahon ang patuloy na pananagutan ng mga opisyal sa kanilang mga nasasakupan.


“Ang dagdag na panahon sa panunungkulan ay dagdag na panahon para maglingkod,” dagdag ni Marcos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page