Final 12 line-up ng Gilas mapapalaban sa India
Updated: Feb 26, 2022
ni VA / MC - @Sports | February 25, 2022

Dalawang bagito sa katauhan nina Kib Montalbo at Tzaddy Rangel ang kabilang sa final 12 line-up ng Gilas Pilipinas na isasabak kontra India ngayong Biyernes-Pebrero 25, 6 p.m. sa pagsisimula ng second window ng 2023 Asian Qualifiers sa Smart Araneta Coliseum.
Ito'y kung wala ng pagbabagong gagawin ang Samahang Basketbol ng Pilipinas sa kanilang inilabas na line-up hanggang 6:00 kagabi , eksaktong 24 na oras bago simulan ang nasabing laro. Parehong first timer sina Montalbo at Rangel sa national team.
Kasama ng 26-anyos at 6-foot guard na si Montalbo na hinugot sa koponan ng TNT sina Poy Erram at ang national team member na si Troy Rosario. Ang 25-anyos na si Rangel ay 6-foot-7 big man na na-draft ng NLEX noong nakaraang 2021 PBA draft. Kasama nilang napili para sa final 12 sina naturalized player Angelo Kouame, Thirdy Ravena, Dwight Ramos, Juan Gomez de Liano, Lebron Lopez at mga Gilas draftees William Navarro at Jaydee Tungcab. Itatapat naman sa kanila ng India ang 12 players na ipinadala nila para sa second window na kinabibilangan nina Amritpal Singh, Vishesh
Bhriguvanshi, Muin Bek Hafeez, Princepal Singh, Pranav Prince ng NBA Academy, Aravind Annadurai, Manoj Belur Manjunatha, Palpreet Singh Brar, Rajeev Kumar, Arvind Kumar Muthu Krishnan, Prashant Singh Rawat at Sahaij Pratap Singh Sekhon. Huling nagsagupa ang India at Gilas Pilipinas sa FIBA-sanctioned tournament, nagwagi ang India sa 91-83 Challenge Cup.
Samantala, nagpahatid ng mensahe ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa South Korean basketball team matapos umatras sa February window ng FIBA World Cup Asian qualifiers.
Pormal na nakatanggap ng abiso ang SBP mula sa FIBA na nag-withdraw ang team Korea dahil sa COVID-19 sa FIBA Basketball World Cup 2023 - Asian qualifiers, ayon kay SBP president Al Panlilio. "We at the SBP commiserate with our friends from Korea as we know how difficult it is to deal with COVID-19. The SBP hopes that all the members of the team who caught the virus will get well at the soonest time possible."





Comments