top of page

Filing ng ITR, extended — PBBM

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 1 min read

ni Mylene Alfonso @News | April 15, 2026



Annual Income Tax Return Filing - Bongbong Marcos - BIR

Photo: FB / Bongbong Marcos / BIR



Pinalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng isang buwan ang deadline ng paghahain ng annual income tax returns (AITRs) hanggang Mayo 15, 2026.

“Pinalawig natin ang deadline ng filing ng 2025 Annual Income Tax Returns mula April 15 hanggang May 15, 2026,” wika ni Marcos sa kanyang social media post.


“Mas may oras ang bawat taxpayer na makapag-file nang maayos, kasama ang lahat ng kailangang dokumento, at walang ipapataw na penalties,” saad ng Pangulo.


Nabatid na ang mga indibidwal na kumikita lamang mula sa kompensasyon ay maaaring hindi na kailangang maghain kung kuwalipikado sila sa substituted filing, kung saan ang kanilang employer ang siyang maghahain ng buwis para sa kanila.


Gayunman, ang mga mixed-income earners, self-employed individuals, freelancers, at ang may higit sa isang employer ay dapat maghain ng sarili nilang Income Tax Returns (ITRs).


“Ginawa natin ito para mas magaan ang pagbabayad ng bawat Pilipino, lalo na sa panahong ramdam ang pagtaas ng presyo ng langis. Tuluy-tuloy ang ating ginagawa para maibsan ang bigat sa araw-araw na buhay ng ating mga kababayan,” ayon kay Marcos.

Dagdag pa niya, “Maaaring mag-file at magbayad sa pamamagitan ng BIR electronic platforms, o sa mga Authorized Agent Banks.”


Matatandaang noong Marso, inilunsad ng Bureau of Internal Revenue ang Electronic Tax (eTax) Filing o Tax Assistance Center sa BIR National Training Center Auditorium upang magbigay ng on-site support para sa electronic filing ng ITRs.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page