Fighting Maroons, nakahabol sa panalo; Pacman, nage-ensayo na
- BULGAR
- Oct 7, 2022
- 2 min read
ni Gerard Arce / MC - @Sports | October 5, 2022

Naitakas ng University of the Philippines Fighting Maroons ang isang pambihirang come-from-behind victory laban sa Adamson University Soaring Falcons sa overtime sa pamamagitan ng 87-78 sa ikalawang laro ng quadruple-double kahapon sa 85th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pinagtulungan nina Malick Diouf at Zavier Lucero ang Fighting Maroons para kunin ang ikalawang sunod na panalo na bumangon mula sa 16-puntos na pagkakalubog sa first half. Lumista ng 13-4 blast ang Katipunan-based squad sa additional period kabilang ang apat na puntos ni Diouf at matinding block upang maiselyo ang panalo na kinailangang maghabol mula sa 16-puntos na kalamangan.
Tumapos ang season 84 Finals MVP na si Diouf ng 13pts, 12 rebounds, 4 assists, 4 blocks at 3 steals sa 5-of-7 shooting, habang nanguna sa puntusan si Lucero sa 15pts, 7 rebounds, 4 assists, at 1 steal.
Samantala, itinaas ni Manny Pacquiao ang level ng kanyang boxing training sa pagsisimula ng kanyang gym work bilang paghahanda sa kanyang exhibition bout laban kay DK Yoo ng South Korea sa Disyembre.
Sa ilang mga video, ipinakita ng retiradong boxing champion at dating senador ang paghataw sa punching bag at paggawa ng mitt work sa kanyang gym sa General Santos City.
Nakatakdang labanan ni Pacquiao si DK Yoo sa isang charity match sa Disyembre 11.
Pumayag ang dating senador na labanan ang Koreano kung saan ang kikitain nito ay gagamitin para sa pagtatayo ng bahay ng mga walang tirahan sa Pilipinas.
Pumirma rin si Pacquiao sa isang kasunduan para makalaban ang kanyang dating sparring partner na si Jaber Zabayani ng France sa Pebrero sa susunod na taon.








Comments