Feeding program, pinalawak sa milyun-milyong mag-aaral
- BULGAR

- 22 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 4, 2026

Isa sa mga inaasahan natin sa pagbubukas ng School Year 2026-2027 ang pagpapatupad ng mas pinalawak na feeding program sa ating mga pampublikong paaralan at mga child development centers (CDCs). Ito ay mahalagang hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kabataan pagdating sa nutrisyon.Sa taong ito, naglaan tayo ng mas mataas na pondo para sa dalawang mahahalagang programa: Ang School-Based Feeding Program (SBFP) ng Department of Education (DepEd) at ang Supplementary Feeding Program (SFP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Isa sa pinakamahalagang tinutukan ng makasaysayang pondong inilaan natin para sa edukasyon ay ang laban kontra gutom at malnutrisyon ng ating mga mag-aaral. Kapag sapat ang pagkain at maayos ang nutrisyon ng bata, mas handa silang matuto at magtagumpay.Noong nanungkulan tayo bilang Chairman ng Senate Committee of Finance, naglaan tayo ng P25.7 bilyon para sa SBFP. Sa taong ito, magiging saklaw na ng programa ang lahat ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1.
Kung dating nagtatagal lang ang feeding program sa loob ng 120 days, aabot na ito ng 200 days para sa kasalukuyang school year. Ipagpapatuloy naman ng programa ang suporta sa mga wasted, severely wasted, stunted, at severely stunted na mga mag-aaral mula Grade 2 hanggang Grade 6. Inaasahang 4.6 milyong mga mag-aaral ang makikinabang sa naturang programa.
Naglaan naman tayo ng P9.2 bilyon para sa SFP. Tulad ng SBFP, dinagdagan natin ang SFP ng feeding days. Kung dati ay tumatagal ng 120 days ang SFP, aabot na ito ng 200 days ngayong taon. Inaasahan naman nating makikinabang ang 1.8 milyong batang dalawa hanggang limang taong gulang na naka-enroll sa mga CDC at Supervised Neighborhood Play.
Patuloy naman nating babantayan ang pagpapatupad ng mga programang ito upang matiyak na maaabot natin ang mga mag-aaral na nangangailangan ng ating suporta. Makasaysayan ang pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon at sa iba’t ibang mga programa sa ilalim nito. Kailangang tiyakin nating hindi masasayang ang oportunidad na hatid nito upang tugunan ang krisis na kinakaharap ng ating bansa pagdating sa edukasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments