Fans, kahit walang facemask puwedeng manood ng UFC 261
ni MC - @Sports | April 22, 2021

Papayagan umanong makapasok ang mga fan kahit walang face mask sa pagsiklab ng UFC 261 sa Sabado sa sold-out na 15,000-seat venue sa Jacksonville, Florida.
Ayon sa organizers, hihimukin nilang mag-face mask ang fans bilang proteksyon sa COVID-19 pero hindi naman nila pipilitin kung ayaw magsuot o gumamit ng face coverings.
Ang UFC 261 ang kauna-unahang major event na gaganapin sa indoor arena sa United States simula nang pumutok ang COVID-19 pandemic noong March 2020. Bibigyan umano ng face covering na may UFC logo ang lahat ng fans na papasok sa event at bahala umano sila kung gusto nila itong gamitin.
Magsasagupa sa UFC 261 ang tatlong title fights — champion Kamaru Usman vs Jorge Masvidal sa welterweight rematch; women’s strawweight champion Zhang Weili vs former champion Rose Namajunas at women’s flyweight champion Valentina Schevchenko vs Jessica Andrade.
Naihanda na rin umano ang lahat ng COVID-19 precautions sa event. Mangunguna ang security company na CLEAR, namamahala rin sa ilang airports gamit ang kanilang teknolohiya, sa pag-screen sa fans bago ang event kung saan ang magkakaroon ng sintomas ay hindi papapasukin.
Gagamit ang CLEAR ng online at onsite screening procedures sa pamamagitan ng COVID-related health questionnaire. Magagawa umanong beripikahin ng system ang COVID-19 related information sa bawat fan na papasok sa event pero hindi umano nila ma-aaccess ang ibang medical information.
Nilinaw naman ng UFC na ang mga fan na hindi makakapasok dahil may sintomas ng COVID-19 ay bibigyan ng ticket refund. Nakatakda rin makipag-usap ang NBA sa CLEAR upang magamit ang kanilang teknolohiya para ma-screen ang fans pero papayagan umano ang bawat team na gumamit ng kanilang sistema na kanilang pipiliin.





Comments