Fake news, simpleng “tsismis” lang ‘yan!
- BULGAR

- Apr 12
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 12, 2025

Napakarami na naman ang nang-uurat kung ano raw ang masasabi natin sa fake news.
Naku po! Ang fake news ay simple lang ang kahulugan — ito ay simpleng “tsismis”.
----$$$--
NGAYON, gagawa raw ng batas upang mapigil ang “tsismis” o fake news?
Marami na pong batas na umiiral laban sa tsismis o fake news.
----$$$--
ANG kailangan ay ispesipikong tukuyin kung ano ang “teknikal” na pakahulugan sa “anti-fake news” na isasabatas.
Bilang beteranong journalist o editor na may higit na tatlong dekadang karanasan — araw-araw nating sinasala ang mga balita -- upang ihiwalay ang “lantay na balita” at “tsismis” o fake news.
----$$$--
NATATAWA tayo sa pagdinig na ginagawa dahil — ang tsismis ay talamak sa showbiz news, pero bakit walang inanyayahan na showbiz editor?
Okey sana kung dumalo sina Nanay Cristy Fermin, Lolit Solis, Ogie Diaz at Boy Abunda!
----$$$--
IBIG sabihin, ang tsismis o fake news — ay hindi puwedeng ipagbawal na mag-circulate — dahil iyan mismo ang bumubuhay sa komersiyalisasyon ng media.
Nagkakatalo lang dito ay kung paano masinop na ibabalita ang “tsismis” o mga ulat na wala pang gaanong katiyakan ng “pagiging totoo”.
----$$$--
ANG mga totoong balita — ay may pagkakataong nagsisimula sa tsismis partikular ang paghihiwalay ng mga showbiz couple o pagkabuntis ng isang dalagitang aktres.
Sa simula, ang tawag ay “fake news” o “tsismis” pero kalaunan ay nagiging “totoong ulat o o totoong impormasyon”.
----$$$--
ANG anumang krimen ay karaniwang sinusukat o sinusuri — partikular sa hukuman — kung ano ang motibo, intensyon o malisya ng ulat o mismo ng nagkakalat ng balita.
At alam natin na marami lang batas hinggil diyan partikular ang libelo o defamation o malicious mischief.
Kapag walang malisya o hindi naman makikinabang ang nag-ulat — personal man o materyal, bagkus ay bahagi ito ng kanyang propesyon gaya ng media practitioner — walang batas na nalalabag dito!
---$$$--
BILANG editor sa napakahabang panahon, ang mga reporter o kolumnista o contributor na nagsusumite ng materyales o impormasyon ay masusing sinasala, ine-edit o bina-validate bago mai-layout, maimprenta o maibenta sa bangketa.
Anumang ulat na walang batayan, ebidensya o lihis ang konteksto sa sentido kumon ay binabasura agad ng editor.
----$$$--
GAYUNMAN, may pagkakataon na nakakalusot o hindi sinasadyang nagkakamali — may proseso riyan ang mainstream media — iyan ay ang ERRATUM.
Kapag ang isang reporter ay nagtangkang nagpasok ng fake news o hindi totoong balita — dinidisiplina ‘yan kung hindi paliliguan ng sermon o pagmumura ng terror na editor kung hindi man masisibak sa trabaho!
----$$$--
MAY iskema o sistema ang mainstream media laban sa fake news.
Ibig sabihin, ang may problema lamang ngayon sa fake news — ay ang modernong social media platform.
Wala kasi silang editor — lahat sila ay “publisher” at “owner” ng publikasyon sa loob ng kanilang cellphone.
Iyan mismo ang ugat ng problema.
He-he-he!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments