Tiyaking mailalapit sa Pilipino ang serbisyong medical
- BULGAR

- 43 minutes ago
- 4 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 30, 2026

Mahalagang balita para sa ating mga kababayan ang patuloy na pagpapalawak ng regional specialty centers at medical scholarship programs na binanggit ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address noong July 27. Makakatulong ang mga programang ito upang mas lalong mailapit ang de-kalidad na serbisyong medikal sa mga lalawigan at madagdagan ang mga health professional na naglilingkod sa ating mga pampublikong ospital.
Bilang isang health reforms crusader, matagal ko nang isinusulong na hindi dapat nakabase sa tirahan o kakayahang pinansyal ng isang tao ang kanyang pagkakataong magpagamot.
Marami sa ating mga kababayan sa probinsya ang kailangang bumiyahe nang malayo para lamang magpagamot sa sakit sa puso, cancer, kidney disease at iba pang malubhang karamdaman. Bukod sa pagpapagamot, kailangan pa nilang gumastos sa pamasahe, pagkain at matutuluyan. Dagdag na pasanin ito sa mga pasyente at kanilang pamilya.
Kaya patuloy kong sinusuportahan ang pagtatayo at pagpapalakas ng mga specialty center sa iba’t ibang rehiyon. Layunin natin na hindi na kailangang lumuwas pa sa Metro Manila ang mga pasyente para lamang makatanggap ng specialized medical care.
Ako ang principal sponsor at isa sa mga may-akda ng Republic Act No. 11959 o ang Regional Specialty Centers Act. Sa ilalim ng batas na ito, magtatatag ng mga regional specialty center sa mga kasalukuyang regional hospital ng Department of Health (DOH).
Layunin ng batas na mapalawak ang access sa mataas na antas ng gamutan para sa cancer, cardiovascular diseases, kidney ailments, neurological disorders at iba pang seryosong kondisyon. Makakatulong din ito upang mabawasan ang siksikan sa malalaking ospital sa Metro Manila.
Hindi sapat na magkaroon lamang ng gusali o pangalan ang isang specialty center. Kailangang mayroon itong sapat na specialized at modernong kagamitan, gamot at pondong kailangan upang tuloy-tuloy na mapagsilbihan ang mga pasyente.
Maraming kabataang Pilipino ang may kakayahan at pangarap na maging doktor o health professional ngunit kapos sa perang kailangan para sa kanilang pag-aaral. Sa pamamagitan ng medical scholarships, nabibigyan natin sila ng pagkakataong makapagtapos habang nadaragdagan din ang mga propesyonal na maaaring maglingkod sa ating mga ospital at komunidad. Iniulat na mahigit doble na ang bilang ng mga medical scholar na inaasahang maglilingkod sa mga pampublikong ospital matapos ang kanilang pag-aaral at pagsasanay.
Hindi rin dapat matapos ang suporta sa pagbibigay lamang ng scholarship. Pagkatapos nilang mag-aral, kailangan nila ng maayos na trabaho, sapat na sahod at benepisyo, ligtas na kondisyon sa paglilingkod at pagkakataong mapalawak ang kanilang kaalaman at kasanayan.
Kailangan din nating palakasin ang mga insentibo para sa mga doktor, nurse, medical technologist at iba pang health worker na handang maglingkod sa geographically isolated and disadvantaged areas. Kabilang dito ang sapat na kompensasyon, housing assistance, hazard pay, karagdagang training at maayos na oportunidad para sa career advancement.
Nananawagan ako sa national government na bigyang-prayoridad ang sapat na pagpopondo at maayos na pagpapatupad ng mga programang ito. Bilang inyong senador, patuloy kong babantayan na ang mga specialty center, medical scholarship at suporta para sa ating health workers ay tunay na mapakinabangan ng mga Pilipino, lalo na ng mga nasa malalayong komunidad.
Samantala, noong July 21, personal nating binisita ang ating mga kababayang naapektuhan ng mga insidente ng sunog sa Barangay 163 at Barangay 152 sa Tondo, Maynila.
Noong July 23, inanyayahan tayo ni Rotary Club Membership Director Wilbert Loa na dumalo sa ika-48 Induction Ceremonies ng Rotary Club Downtown Manila sa Quezon City. Binati ko ang mga bagong opisyal at miyembro ng samahan, sa pangunguna ni President Arlene Jane Tanchay, sa kanilang pormal na pagtanggap sa responsibilidad na pamunuan ang club sa panibagong taon ng bolunterismo, pagpapaunlad ng komunidad, at serbisyong makatao.
Bilang Vice Chairperson ng Senate Committee on Health, nakiisa tayo noong July 24 sa pagdiriwang ng ika-55 anibersaryo ng Davao Oriental Provincial Medical Center at sa turnover ng mga bagong medical equipment na donasyon ng Okada Foundation.
Pagkatapos nito, nagtungo tayo sa turnover ceremony ng Super Health Center sa Barangay Central, Mati City, na sinundan ng pamamahagi ng tulong sa mga solo parent, persons with disabilities (PWDs), senior citizens, at mga miyembro ng transport sector, partikular ang TODA, sa lungsod.
Bilang tubong Lupon sa Davao Oriental, nagpaabot din tayo ng tulong sa ating mga kababayang nangangailangan, partikular sa mga solo parent, PWDs, at senior citizens. Masaya rin nating ibinabalita na mayroon nang mobile clinic sa Lupon, at nagpapasalamat rin tayo sa Okada Foundation sa donasyon na ito.
Pagkatapos nito, bilang Chairperson ng Senate Committee on Sports, dumalo rin tayo sa pagbubukas ng Inter-Barangay Basketball and Volleyball League sa Lupon. Tulad ng lagi kong paalala sa ating mga kabataan: get into sports, stay away from illegal drugs to keep us healthy and fit!
Noong July 25, dumalo tayo sa National Assembly ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan o PDP-Laban sa Davao City. Nahalal ang mga bagong pambansang opisyal ng partido sa pangunguna ni Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang Party President.
Nitong July 29 naman ay personal din tayo naghatid ng tulong sa mga nasunugan sa Brgy. 61, Brgy. 66 at Brgy. 138 sa Pasay City.
Samantala, nagpaabot ang ating Malasakit Team ng suporta sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Muntinlupa City; Caloocan City; at Puerto Princesa City, Palawan. Gayundin ang mga naapektuhan ng landslide sa Calamba City, Laguna; Davao City; at Mati City.
Nagpaabot din tayo ng tulong sa mga indigent residents sa Cebu City sa pakikipagtulungan ng kanilang lokal na pamahalaan at ng pambansang pamahalaan. Bukod dito, nagbigay rin tayo ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Inday sa Tubungan, Iloilo.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

%20-%20JAMES%2C%20NAWALAN%20NG%20P150%20M%20DAHIL%20SA%20TIWALA%20SA%20KASOSYO%20SA%20NEGOSYO-IG%20_.jpg)



Comments