Kontra-SONA ni Sen. Alan, naging katatawanan sa socmed
- BULGAR

- 45 minutes ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 30, 2026

KONTRA-SONA NI SEN. ALAN CAYETANO, HINDI PUMATOK – Hindi pumatok sa publiko ang privilege speech ni Sen. Alan Cayetano na tinawag niyang kontra-SONA, dahil lumang isyu na ang ilan sa kanyang mga ibinato, kabilang ang umano'y "selective justice" na ipinatutupad ng Marcos administration kaugnay ng flood control scandal.
Dahil hindi umubra ang kanyang kontra-SONA, umani tuloy si Sen. Alan Cayetano ng batikos mula sa mga netizen sa social media. Boom!
XXX
KONTRA-SONA NI SEN. ALAN CAYETANO, NAGING KATATAWANAN – Naging katatawanan sa social media ang kontra-SONA ni Sen. Alan Cayetano matapos niyang isingit na "kakampi" umano ni National Hero Jose Rizal si Sen. Robin Padilla dahil pareho raw silang nagsusulong ng federalismo.
Hindi tuloy napigilan ng netizens ang mag-react ng "Haha" dahil tila gustong ipahiwatig ni Cayetano na si Robin Padilla ang Jose Rizal sa kasalukuyang panahon. Ha-ha-ha!
XXX
MATAPOS ANG SONA NI PBBM, BATIKOS ANG INABOT NIYA SA MGA MANGGAGAWA AT MAGSASAKA – Nang matapos ang SONA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), binatikos siya ng mga manggagawa at magsasaka.
Sa totoo lang, hindi kataka-takang batikusin si PBBM dahil wala siyang nabanggit sa kanyang SONA tungkol sa kapakanan ng mga manggagawa at magsasaka. Period!
XXX
DAPAT PAYUHAN NG KANYANG ADVISERS SI VP SARA NA IWASANG MAGPA-AMBUSH INTERVIEW PARA HINDI NABA-BASH – Pinutakte na naman ng pambabatikos sa social media si Vice President Sara Duterte matapos malaman ng publiko na wala pala siyang kaalam-alam sa mainit na isyung "Pax Silica," isang uri ng Artificial Intelligence (AI) hub na itatayo sa New Clark City.
Sa kasalukuyan, ang "Pax Silica" AI Hub na inaprubahan ng administrasyong Marcos na itayo sa New Clark City ay binabatikos ng iba't ibang sektor. Bagamat inaasahang makapagbibigay ito ng maraming trabaho sa mga Pinoy, sinasabi ng mga kritiko na kapalit naman nito ang posibleng pagsira sa kalikasan sa bahagi ng Tarlac at Pampanga.
Bilang bise presidente, tinanong ng media si VP Sara tungkol sa itatayong "Pax Silica." Gayunman, batay sa tema ng kanyang sagot, hindi niya alam kung ano ito kaya't "no comment" ang kanyang naging tugon.
Ang nais nating ipunto rito ay dapat sabihan ng kanyang mga adviser si VP Sara na iwasang magpa-ambush interview sa media upang hindi siya mabatikos ng publiko kapag wala siyang maibigay na sagot. Boom!

%20-%20JAMES%2C%20NAWALAN%20NG%20P150%20M%20DAHIL%20SA%20TIWALA%20SA%20KASOSYO%20SA%20NEGOSYO-IG%20_.jpg)



Comments