top of page
INSIDER - JULIE ANNE, KUMANTA KUNG BAKIT HINIWALAYAN NG FIRST LOVE-IG _myjaps & _aldenrich

Banyaga, hindi puwedeng pamanahan ng lupa sa Pilipinas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 30, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta


May asawa akong banyaga. Napagdesisyunan namin na manirahan sa Pilipinas kaya naman kailangan naming bumili ng bahay at lupa sa Pilipinas. Dahil dito, napagdesisyunan namin na mangutang sa kanyang kapatid na isa ring banyaga. Pumayag naman ang kanyang kapatid pero sinabi niya sa akin na kailangan kong sumulat ng huling habilin kung saan ‘pag ako ay namatay, sa kanya ko inihahabilin ang nasabing bahay at lupa. Maaari ko po bang gawin ito? — Jessa





Dear Jessa,


Ayon sa Section 7, Article 12 ng Saligang Batas ng Pilipinas, ang mga banyaga ay hindi maaaring magmay-ari ng lupa sa Pilipinas, maliban sa pagkakataong pinapayagan ng batas. Ayon dito: 


Section 7. Save in cases of hereditary succession, no private lands shall be transferred or conveyed except to individuals, corporations, or associations qualified to acquire or hold lands of the public domain.”


Ang mga pangkaraniwang kwalipikado na magmay-ari ng lupa rito sa Pilipinas ay ang mga Pilipino, o korporasyon o asosasyon na pagmamay-ari ng Pilipino ang hindi bababa sa 60% nito. Ito ay upang mapreserba ang mga lupain sa Pilipinas at tiyaking ang mga Pilipino ang magtatamasa ng mayamang kaloob ng mga lupain sa Pilipinas, at upang hindi maabuso ng mga banyaga. 


Dahil dito, ang mga banyaga ay pangkaraniwang hindi maaaring magmay-ari ng lupain sa Pilipinas, maliban na sa pagkakataong ito ay minana niya mula sa isang Pilipino. Ang tanong ngayon, ay kung anong uri ng mana ang tinutukoy ng Saligang Batas ng Pilipinas. 


Sa Kodigo Sibil ng Pilipinas ay may dalawang uri ng pagmamana. Ang una ay tinatawag na “intestate” o pagmamana nang ayon sa pagkakasunod-sunod na itinatalaga ng batas dahil walang huling habilin ang namatay. Ang ikalawa naman ay tinatawag na “testamentary” na tumutukoy sa hatian ng mana nang ayon sa huling habilin ng namatay. 


Ngayon, balikan natin ang tanong, anong uri ng pagmamana ang pinapayagan ng batas na magmana ng lupa sa Pilipinas ang isang banyaga? Sa kasong Testate Estate of Jose Eugenio Ramirez, et al. vs. Marcelle D. VDA. De Ramirez, et al. G.R. N,o. L-27952, 15 February 1982, sa panulat ni Honorable Justice Vicente Abad Santos, nilinaw ng Korte Suprema na ang eksepsyon na nakapaloob sa Saligang Batas ay angkop lamang sa tinatawag na intestate na pagmamana. Sa madaling salita, papayagan na magmana ang isang banyaga ng lupain sa Pilipinas kung siya ay isa sa mga kompulsaryong tagapagmana na nakasulat sa batas, at hindi sa pamamagitan ng huling habilin. Ito ay upang maiwasan ang anumang indirektang paglusot o paglabag sa prohibisyong nakapaloob sa Saligang Batas. 


Sa iyong sitwasyon, ang pagsusulat ng huling habilin kung saan iyong itinatalaga ang banyagang kapatid ng iyong asawa ay maaaring maituring bilang indirektang paglabag sa Saligang Batas ng Pilipinas na nagbabawal sa mga banyaga na magmay-ari ng lupa sa Pilipinas. Dahil dito, hindi mo ito maaaring gawin. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page