Extra-marital affairs at kasong adultery
- BULGAR
- Oct 4, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 04, 2021
Dear Chief Acosta,
Iniwan ang pinsan ko ng kanyang asawa may sampung taon na ang nakakaraan. Sa ngayon ay mayroon na siyang kinakasamang iba. Kung sakaling magpakitang muli ang asawa ng pinsan ko, maaari ba niyang kasuhan ang huli gayong iniwan naman niya ang pinsan ko? – Dawn
Dear Dawn,
Madalas nating maririnig sa mga nakatatanda na ang pagpapakasal ay hindi parang kanin na isusubo at iluluwa kapag napaso. Sa legal na aspeto, hindi maaaring basta na lamang bibitiw ang sinuman sa mga partido sa kasal kung ayaw na nila. Ito ay sa kadahilanang ang isa sa kanilang mga legal na obligasyon ay ang magsama at manatiling tapat sa isa’t isa.
Ang paglabag sa nasabing obligasyon ay hindi lamang paglabag sa ating Batas Sibil. Bagkus, maaari rin itong magbunga ng paglabag sa ating Batas Kriminal. Partikular na nakasaad sa Article 333 ng ating Revised Penal Code (RPC), na ang sinumang babae, na kasal na, na mayroong seksuwal na relasyon sa lalaking hindi naman niya asawa, at alam ng nasabing lalaki na siya ay kasal na, ay maaaring makasuhan ng adultery. Ayon sa naturang batas:
“Art. 333. Who are guilty of adultery. — Adultery is committed by any married woman who shall have sexual intercourse with a man not her husband and by the man who has carnal knowledge of her knowing her to be married, even if the marriage be subsequently declared void.
Adultery shall be punished by prision correccional in its medium and maximum periods.
x x x”
Nais naming bigyang-diin na hindi maaabsuwelto sa mata ng batas ang babae na mayroong “extra-marital affairs” kahit pa ang dahilan niya ay iniwan na siya ng kanyang asawa. Tandaan na hanggang mayroong bisa ang kasal ng mag-asawa, mananatili ang kanilang obligasyong maging tapat sa isa’t isa. Bagaman maaaring maipataw ang mas mababang parusa, pananagutan pa rin ng nasabing babae ang paglabag niya sa batas. Nakasaad sa huling talata ng Artikulo 333 ng ating RPC ang sumusunod:
“x x x
If the person guilty of adultery committed this offense while being abandoned without justification by the offended spouse, the penalty next lower in degree than that provided in the next preceding paragraph shall be imposed.”
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments