Extension ng lisensya at rehistro, hanggang Hulyo 31 na lang — LTO
- BULGAR

- Jun 21
- 1 min read
ni Jeff Tumbado @News | June 21, 2026

Photo: LTO
Nagpaalala ang Land Transportation Office (LTO) sa mga motorista na i-renew na ang kanilang mga lisensya at rehistro ng sasakyan bago ang Hulyo 31, 2026 upang maiwasan ang pagpapataw ng multa at iba pang kaukulang parusa.
Ayon sa LTO, magtatapos sa Hulyo 31 ang pinalawig na bisa ng driver’s license, conductor’s license, student driver’s permit, at rehistro ng mga sasakyan alinsunod sa Memorandum Circular No. MVL-2026-5157.
Matapos ang nasabing petsa, ang mga lisensya, permit, at rehistro ng sasakyan na paso na ngunit hindi pa naipapa-renew ay sasailalim na sa umiiral na mga regulasyon at kaukulang parusa para sa huling pag-renew.
Nauna nang inanunsyo ng LTO ang tatlong buwang pagpapalawig ng bisa ng mga lisensya at rehistro simula Abril 2026, kabilang ang driver’s license, conductor’s license, student permit, at motor vehicle registration.
Sa panahong ito, pansamantalang hindi ipinataw ang mga multa para sa late renewal ng mga naturang dokumento.
Ayon sa LTO, ipinatupad ang pagpapalawig bilang tugon sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa national energy emergency dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.





Comments