top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Exemption sa pagkuha ng alien employment permit

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 21, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Sep. 21 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Chinese ang nobya ko at nais niyang magturo ng Mandarin sa isang kilalang elementary school sa Binondo. Sa aming pagbabasa online ay nalaman namin na maaaring ma-exempt sa pagkuha ng Alien Employment Permit (AEP) ang isang banyaga kapag pagtuturo ang layunin niya sa pagpunta sa Pilipinas. Kuwalipikado kaya ang aking nobya para sa exemption na ito? — Zeph



Dear Zeph, 


Mayroon ngang nabanggit na mga exempt foreign nationals mula sa pagkuha ng alien employment permit (AEP) sa ilalim ng inilabas na Department Order No. 221-21 or Revised Rules and Regulations for the Issuance of Employment Permits to Foreign National na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE). Partikular na nakasaad sa Section 18 (e) nito na:


“Section 18. Exemption. - The following categories of foreign nationals are covered by Article 40 of the Labor Code, but exempted from securing an employment permit under the existing laws or guidelines:

x x x

e. Foreign nationals who come to the Philippines to teach, present and/or conduct research studies in universities and colleges as visiting, exchange or adjunct professors under formal agreements between the universities or colleges in the Philippines and foreign universities or colleges; or between the Philippine government and foreign government, subject to the rules of reciprocity;”


Samakatuwid, totoong exempted mula sa pagkuha ng AEP ang mga foreign national na ang layunin sa pagpunta sa bansa ay ang pagtuturo. Subalit, may karagdagang kuwalipikasyon para sa exemption na ito. Gaya ng nabanggit sa Section 18 (e) ng nasabing Department Order, ang pagtuturo ay kinakailangang mangyari sa isang unibersidad o kolehiyo na mayroong pormal na kasunduan sa unibersidad o kolehiyo ng ibang bansa, o kasunduan naman ng gobyerno ng parehong bansa na sangkot dito, at ang pagbibigay ng exemption ay kinakailangang pairalin sa parehong bansa. 


Sa sitwasyon ng iyong nobya, ang pagtuturo niya ng Mandarin ay gaganapin sa isang mababang antas ng paaralan (elementary school) at hindi sa unibersidad o kolehiyo. Wala ka ring nabanggit sa kanyang sitwasyon na siya ay nagtungo sa Pilipinas sa ilalim ng kasunduan ng kanyang gobyerno at gobyerno ng Pilipinas, kaya masasabing kinakailangan pa rin niyang sumunod sa pagkuha ng AEP.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page