top of page

Ex-PACC Sec. Belgica, walang “K” mambatikos sa isyu ng korupsiyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 28 minutes ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 6, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


AKALA NG PUBLIKO PALABAN SI CONG. SANDRO NA IPA-LIVE STREAMING ANG IMBESTIGASYON SA KANYA NG ICI PERO ATRAS DIN PALA, GUSTONG CLOSED-DOOR HEARING -- Matapos isabit ni former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos sa Bicam insertions at flood control scandal ay palaban na inanunsyo ng presidential son na boluntaryo raw siyang haharap sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kapag pinatawag siya ng komisyon.


Dahil sa tinuran ni Cong. Sandro ay inakala ng publiko na idedepensa niya ang kanyang sarili sa mga alegasyon sa kanya ni Zaldy Co sa pamamagitan ng live streaming sa social media, pero nang humarap na siya sa komisyon, eh ang inihirit ng presidential son ay executive session, na ibig sabihin closed-door hearing na sila-sila (Cong. Sandro, lawyers at ICI members) lang ang nakakaalam ng pinag-uusapan nila sa loob ng komisyon, pwe!


XXX


DAPAT IREKOMENDA NG ICI SA OMBUDSMAN NA KASUHAN NG PLUNDER SI CONG. PULONG -- Hindi sinipot ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ang imbitasyon sa kanya ng ICI kaugnay sa mga kuwestiyonableng flood control projects sa kanyang distrito na natuklasan nina ICI Special Adviser and Investigator, ret. Gen. Rodolfo Azurin at DPWH Usec. ret. Gen. Arthur Bisnar, at sa mga dokumentong isinumite ni ACT Teacher Partylist Rep. Antonio Tinio sa ICI na nagsasangkot sa Davao City congressman sa anomalya, at ang idinahilan ni Cong. Pulong ay isa raw siyang congressman at wala raw "K" ang ICI na itinatag ni PBBM na siya ay imbestigahan dahil magkahiwalay daw ang power ng legislative at executive.


Aba’y hindi pupuwede iyan na isnab-isnabin lang ni Cong. Pulong ang ICI dahil pera ng bayan ang sangkot dito, kaya’t dapat magpakita ng tapang ang komisyon, irekomenda na agad nila sa Ombudsman na sampahan ito ng kasong no bail na plunder dahil kung hindi nila ito kakasuhan ay malamang dedmahin na rin ng iba pang congressman na sangkot sa flood control scandal ang subpoena sa kanila ng ICI, period!


XXX


WALANG NAIPAKULONG NA CORRUPT SI FORMER PRESIDENTIAL ANTI-CORRUPTION COMMISSION SEC. BELGICA KAYA WALA SIYANG 'K' MAMBATIKOS SA ISYU NG CORRUPTION -- Isa si Duterte Diehard Supporter (DDS), former Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Sec. Greco Belgica sa batikos nang batikos sa talamak umanong corruption sa panahon ng Marcos administration.


Sa totoo lang tayo, na itong si Belgica ay walang "K" mambatikos sa isyu ng corruption dahil noong panahon ng Duterte admin, eh ang linaw naman ng nakasaad sa posisyon niya at ito ay "anti-corruption," pero nang matapos ang termino ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), at tanggal na siya (Belgica) sa puwesto, ay wala naman siyang naipakulong kahit isang corrupt, boom!


XXX


KUNG TALAGANG ANTI-POLITICAL DYNASTY NA SI SPEAKER BOJIE DY DAPAT LAHAT NG KAPAMILYA NIYANG POLITICIANS PAGBITIWIN NIYA SA PUWESTO -- Maituturing na "pa-pogi points" lang sa publiko ang statement noon ni Speaker Bojie Dy na suportado niya ang Anti-Political Dynasty Bill dahil nga base sa naisapublikong Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng House speaker ay lumabas na sangkatutak ang mga kapamilya niyang pulitiko, tulad niya (Speaker Bojie) politicians din ang dalawa niyang anak, tatlong kapatid, isang manugang na babae at anim na pamangkin.


Kung nais ni Speaker Bojie na maniwala sa kanya ang publiko, isa lang ang dapat niyang gawin at ito ay pagbitiwin niya sa mga kasalukuyang posisyon ang mga kapamilya niyang politicians, at kapag nagawa niya 'yan, diyan pa lang maniniwala sa kanya ang taumbayan na anti-political dynasty na nga siya, period!


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page