top of page
Search
  • BULGAR

Ex ng aktor, nadulas… GERALD AT JULIA, INILAGLAG NI KIM ON NATIONAL TV

ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | October 30, 2020




Ipinakita ni Kim Chiu ang kanyang pagiging sport sa madlang pipol nang i-like niya on national television ang mga Instagram posts ng ex-boyfriend na si Gerald Anderson.


Sa segment/game na Mass Testing ng It’s Showtime last Wednesday ay si Kim ang tumayong Tumpak Tracer kung saan ay may “funishment” siyang kailangang harapin kapag nagkamali.


Ang cute ng pinakahuling “funishment” kay Kim kung saan ay nautusan siyang i-like ang 5 (20th to 24th) IG posts ni Gerald. Of course, ikinagulat ito ng aktres at sobrang cute rin ng kanyang mga reaksiyon all throughout.


“Huy, baket?” ang unang nasambit ni Kim.


“It’s just a game,” natatawa namang sagot ni Vice.


“Bakit? ‘Di ko nga pina-follow ‘yun,” sey ni Kim sabay-tawa.


Pagkatapos ay binati niya ang kanyang boyfriend na si Xian Lim at tila nagpapaliwanag.

“Hi, Xi, nanonood ka ngayon. Xi, this is just a game,” natatawang sabi ni Kim.


Habang hinahanap niya ang IG page ni Gerald, hirit ni Kim, “Bakit n’yo naman isasali ‘yung taong ‘to, nananahimik na kami, ah. Isang dekada na ang nakalipas.”


Muli ay nagpaliwanag si Kim kay Xian, “Xi, alam mo naman ang totoo.”


Maya-maya ay parang si Gerald naman ang binigyan niya ng mensahe. “Ano, kung nanonood ka man ngayon, ito ay sadyang katuwaan lamang,” sey ni Kim.


Sinabihan ni Vice si Kim na i-click ang No. 20 post ni Gerald para lumaki at hirit ng aktres, “Ba’t pa kailangang i-click? Diyos ko naman, isang dekada na ang lumipas, hindi pa rin natin nakakalimutan ito!”


At hayun na nga, isa-isa nang ni-like ni Kim ang 5 pictures ni Gerald na talagang ikino-close-up ng camera at kitang-kita naman talaga na pinupusuan niya.


Ang pinakanakakalokang parte, biglang nag-comment si Kim na, “Tapos, pagbukas mo dito, nandito si Julia Barretto!” sabay tawa.


Nagsigawan ang mga tao sa studio at tanong pa ni Kim, “Ay, bawal ba?” at pagkatapos ay sumenyas ng peace sign.


Hirit pa ulit niya, “Ay, si Bea Alonzo pala.”


Hahaha!


Pagtatanggol naman ni Vice, “Wala naman siyang sinabing masama.”


Nang matapos nang pusuan ni Kim ang 5 photos ni Gerald, humirit na naman ang aktres. “Baka mag-away pa kami ni Xi. Xi, biro lang ‘to,” paliwanag na naman niyang natatawa.


Sey naman ni Vice, “Xian, ha, joke lang ‘to. Wala siyang kinalaman dito. Showtime ‘to. Sa ‘min ‘to, Xian, sa ‘min ‘to.”


Pinasalamatan din ni Vice Ganda si Kim for being such a good sport.


Anyway, ang pagsalang ni Kim bilang Tumpak Tracer sa Mass Testing ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-11 anibersaryo ng It’s Showtime. Pagkatapos ni Chinita Princess ay si Vice Ganda naman ang sasalang ngayong Friday, Oct. 30.


At bukas, Oct. 31 ay magaganap naman ang pinakaaabangang taunang Magpasikat competition tampok ang sari-saring pasabog ng apat na teams kabilang na ang pagsasanib-puwersa nina Vice Ganda at Kim, samantalang magkakagrupo naman sina Vhong Navarro, Amy Perez at Jackie Gonzaga.


Magiging magkakampi namang muli sina Karylle at Jhong Hilario kasama si Ion Perez, at tatak-Jugs and Teddy din ang handog na performance ng tandem kasama si Ryan Bang.


Napapanood ang It’s Showtime sa A2Z Channel 11 analog TV, na available sa Metro Manila at mga bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.


Mapapanood din ito sa cable at satellite TV providers sa Kapamilya Channel (SKY Channel 8 sa SD at Channel 167 sa HD, Cablelink Channel 8, GSAT Direct TV Channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page