Ex-mister, ikinasal na sa iba sa USA… AI AI KAY GERALD: SANA ‘WAG MO NANG GAWIN SA IBA ANG GINAWA MO SA AKIN

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | September 12, 2026

Photo: Ai Ai Delas Alas at Gerald - Instagram
Nakarating na kay Ai Ai delas Alas ang balitang nagpakasal na sa non-showbiz girl ang ex-husband niyang si Gerald Sibayan na ginanap sa USA.
Tanggap naman niya ito at naka-move on na rin siya. Ganunpaman, may mensahe ang Comedy Queen sa kanyang ex-husband.
Sana raw, ‘wag gawin ni Gerald sa bago niyang misis ang ginawa sa kanyang panloloko at sinira ang kanyang tiwala.
Masakit kay Ai Ai ang paghihiwalay nila noon ni Gerald dahil matagal ang kanilang pinagsamahan. Tinulungan pa ni Ai Ai si Gerald na makatapos sa pagpi-piloto at pati sa pagpunta sa USA at pagkakaroon ng green card.
At ang masakit sa lahat ay hindi maayos na nagpaalam si Gerald nang magpasyang makipaghiwalay. Sa text lang nito idinaan ang lahat.
Nasaid na ang lahat ng luha ni Ai Ai. Ayaw niyang maghabol kay Gerald. Kinaya niyang mamuhay nang single ngayon.
Dinamayan-sinuportahan siya ng kanyang mga anak, at naging abala siyang muli sa kanyang showbiz career.
Para may iiwan sa fans…
VILMA, GAGAWA MUNA NG MOVIE BAGO MAGRETIRO
Hindi man ipinagkaloob sa Star for All Seasons ang maging National Artist for Film & Broadcast, umaasa ang mga Vilmanians na hindi pa magre-retire sa showbiz ang kanilang idolo at patuloy na gagawa ng pelikula.
Ang kanyang pagiging gobernadora ng Batangas ang pinagkakaabalahan niya ngayon. Marami pa siyang projects para sa lalawigan na gusto niyang tapusin.
Pero may pangako naman si Gov. Vi sa kanyang mga tagahanga na isang malaking pelikula ang kanyang gagawin bago tuluyang magretiro. Pangarap niyang mag-iwan ng magandang alaala at legacy sa kanyang mga tagahanga at sa sambayanang Pilipino.
Naghahanap lang si Gov. Vi ng magandang istorya para sa pelikulang gusto niyang gawin. Ito ang magsisilbing regalo niya sa kanyang mga tagahanga bago siya tuluyang magpaalam sa showbiz.
SA pilot episode ng Barangay Love Stories na mapapanood na ngayong Sabado hosted by Papa Dudut ay tampok ang mga pambatong GMA Sparkle artists na sina Sofia Pablo, Iñigo Jose, Shuvee Etrata, Anthony Constantino, Ashley Sarmiento at Lee Victor.
Dito matutunghayan ang iba’t ibang kuwento ng pag-ibig na maglalapit sa mga tauhan na may kani-kanyang masasayang yugto ng kanilang buhay-pag-ibig.
Tiyak na makaka-relate ang mga viewers sa Barangay Love Stories na eere tuwing Sabado kapalit ng Wish Ko Lang.
MARAMI ang nakapansin na bumata ang hitsura ni Manilyn Reynes sa bago niyang hairstyle ngayon. Bumagay sa kanya ang short hair at blooming ang kanyang aura.
Tanda ito na maligaya si Mane sa kanyang married life. Truly blessed siya sa buhay dahil pati ang kanyang showbiz career ay bongga rin.
Kasama siya sa major cast ng afternoon soap na Born To Shine at dito ay magkasama sila nina Sheryl Cruz at Tina Paner.
Fifteen years din siya sa sitcom na Pepito Manaloto na patuloy ang mataas na ratings. Sila ni Michael V. ang itinuturing na bagong version ng John en Marsha.
Tahimik ang married life nina Manilyn at Aljon Jimenez. Kahit na ginagawang isyu na diumano ay wala nang career sa showbiz si Aljon, hindi naman sila nagpapaapekto.
Kailanman ay hindi na-insecure si Aljon kay Mane. Wala silang professional rivalry. May sariling negosyo si Aljon at kumikita ng pansuporta sa kanyang pamilya.





Comments