Ex-housemate, kinulit ng netizens, nagsalita na… “SCRIPTED PO ANG PBB!” — BRENDA MAGE

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 28, 2026

Photo: Brenda Mage / FB
Bilang dating Pinoy Big Brother (PBB): Kumunity Season celebrity housemate, maraming netizens ang nagtatanong sa komedyanteng si Brenda Mage kung scripted ang mga linyahan ng mga kabilang ngayon sa PBB Collab 3.0.
Inamin nitong ipina-private message siya para tanungin kung ano ang totoo sa mga nagaganap sa loob ng Bahay ni Kuya.
“Ang kulit-kulit n’yo talaga. Panay kayo tanong. Maraming nagme-message sa ‘kin, ‘So, Brenda, ibig sabihin, scripted talaga ang PBB?’ Opo, aaminin ko na po.
“Sa totoo lang, scripted po ang PBB. Lahat ‘yan ay scripted at alam n’yo ba kung sino ang sumulat ng script? ‘Yung mga viewers din! Kasi kayo lang din naman… ‘yung kagustuhan n’yo, ‘yung pinaniniwalaan n’yo, tsaka kung ano ang gusto n’yong mangyari, ‘yun naman talaga ang gusto n’yong i-push na ‘yun ‘yun. So scripted s’ya at ang writer nu’n, kayo!” diin ng komedyante.
Nakulitan na siya kaya ito ang isinagot niya, pero sa huli ay sinabi niyang kung may script, hindi niya hahayaang kamuhian siya ng mga manonood o maging kontrabida.
“Kung scripted ‘yun, papayag ba ako na ako ‘yung maging kontrabida sa ano namin, ako ‘yung demonyo sa loob?” katwiran ni Brenda.
Sa huling bilang nitong Huwebes, Nobyembre 27, ay umabot na raw sa 2,900 ang reklamong natanggap ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kaya aminado ang ahensiya ng gobyerno na maging sila ay nahihirapan kung paano nila kakaharapin ang mga reklamong ito.
At para matigil na ang bashing, nagdesisyon ang ABS-CBN at GMA Network na wala nang livestreaming ang reality show simula pa noong Nobyembre 21.
Inamin ng ABS-CBN at GMA na napansin nilang ginagamit ng ilang netizens ang livestream clips para magpakalat ng mga nangyayari sa loob ng Bahay ni Kuya na hindi tama ang context. Mga video na pinuputol at ine-edit, at dinadagdagan bago ilabas sa social media, kaya nagkakaroon ng cyberbullying at online harassment sa ilang mga housemates.
At ang solusyon ay itigil ang livestreaming para maalagaan ang mga housemates ng PBB Collab 3.0, kasama na ang kanilang pamilya na nakakatikim din ng bashing.
Napapanood pa rin naman ang nasabing reality show sa mga online platforms ng ABS-CBN at GMA.
ANG International Emmy Award-nominated series ng iWant na Love at First Spike (LAFS) na tampok sina Emilio Daez, Reign Parani at Sean Tristan ay ipapalabas na rin sa primetime TV simula Lunes (Nobyembre 30) sa Kapamilya Channel, ALLTV2, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live.
Sa direksiyon ni Ivan Andrew Payawal, susundan ng serye ang kuwento nina Uno (Emilio), isang dating basketball team captain na sumali sa boys volleyball team upang maisalba ang kanyang scholarship; Jared (Sean), ang captain naman ng men’s volleyball team at dating matalik na kaibigan ni Uno; at Farrah (Reign), pinsan ni Jared na may lihim ding pagtingin kay Uno.
Ang LAFS ang kaisa-isang entry ng Pilipinas sa International Emmy Awards 2026 sa New York City, kung saan nominado ito sa Kids: Live Action category kasabay ang mga programa mula sa Chile, Netherlands, at UK.
Abangan ang Love at First Spike sa primetime ngayong Nobyembre 30, 9:30 PM, pagkatapos ng The Loyalty Game: Level Up sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at TFC. Napapanood din ang episodes nito on-demand sa iWant.





Comments