Euroclydon, pambihira sa 3-YO Maiden Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |October 31, 2022
Nakitaan ng husay si Euroclydon matapos manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, kahapon.
Nirendahan ni jockey MM Gonzalez si Euroclydon na kahit pinapahirapan siya sa unahan ni Money For Gabriel ay nanatili siyang kalmado. Kaya naman naitala ng Euroclydon ang inaasam na panalo.
Inirehistro ni Euroclydon ang 1:26.4 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P20,000 added prize para sa winning horse owner.
Bakbakan ang nasilayan ng mga karerista at hanggang sa rektahan ay nagtagisan ng bilis sina Euroclydon at Money For Gabriel.
Sa huling 100 metro ng laban ay umungos na ng tuluyan si Euroclydon at manalo ng dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Money For Gabriel.
Terserong dumating sa meta si May Ten, ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, nasalto ng bagyong "Paeng" ang pakarera ng MMTCI noong Sabado kaya naman lupaypay ang balikat ng mga karerista.
Inisip ng pamunuan ng MMTCI na kanselahin ang karera para sa kaligtasan ng mga hinete at kabayo at maging ang mga empleyado sa karerahan ay makaiwas sa disgrasya na idudulot ng bagyong "Paeng." "Due to the bad weather condition caused by typhoon "Paeng" and is being forcasted to intensify through out the day and the province of Batangas is in storm signal #3 MMTCI management has decided to cancel the races scheduled for today (Saturday) October 29, 2022 for the safety and well being of all participants and racing officials and personnel. Please be guided accordingly," MMTCI.
May basbas naman ni Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) chairman Reli De Leon ang ibinabang memo ng MMTCI.





Comments