ni Green Lantern @Renda at Latigo | November 25, 2023
Hindi pinaporma ni The Kiss ang mga nakatunggali matapos manalo sa 28th MARHO Breeders' Championship - 2-Year-Old Juvenile Fillies na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, noong Linggo ng hapon.
Nakitaan ng magandang diskarte si former Philippine Sporstwriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema matapos nitong ipuwesto si The Kiss sa segundo sa largahan at hayaang makalayo ng bahagya ang matulin na Victorious Angel.
Pagdating ng half mile ay saka nilapitan ni The Kiss si Victorious Angel kaya naman pagsapit ng far turn ay naagaw ng winning horse ang bandera.
Sa huling 200 metro sa rektahan ay bumibibo na sa unahan si The Kiss kaya naman tinawid nito ang finish line ng may tatlong kabayo ang agwat sa pumangalawang si Maid For Trouppei.
Inilista ni The Kiss ang tiyempong 1:28.4 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si M.V. Tirona ang P600,000 premyo.
"May magandang hinaharap si The Kiss, tingin ko magiging champion horse yan," saad ni Johnny Del Castillo, veteran karerista.
Nasikwat ni Maid For Trouppei ang second place prize na P225,000 habang ang third placer na Over Azooming ay nag-uwi ng P125,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Samantala, hinahanda si The Kiss sa susunod niyang sasalihang stakes race kaya aabangan ito ng kanyang mga tagahanga.