ETEEAP, malaking tulong sa mga ‘di pa nakatapos ng kolehiyo
- BULGAR

- Jun 25
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 25, 2025

‘Di maikakailang magandang balita ang naisapinal na paglalatag ng implementing rules and regulations ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program o ETEEAP, lalo na para sa mga may-edad nating kababayang hindi pa tapos ng pag-aaral ngunit maaaring makinabang sa naturang proyektong pang-edukasyon.
Sariwa ang usaping ito sa kalakhang publiko ngunit mahaba-haba na ang kasaysayan ng ETEEAP mula sa pagiging panukala. Una nang nabansag ang ETEEAP at nasimulang maimapa ito sa pamamagitan ng Executive Order No. 330 noong Mayo 10, 1996, na halaw naman sa Artikulo XIV ng Saligang Batas ng 1987.
Habang sa sumunod na mga taon at dekada’y pinino ang magiging ETEEAP ng Commission on Higher Education (CHED), ang ahensyang inatasan sa pagsasagawa ng programa, at bago pa naaprubahan ng Mababang Kapulungan noong 2023 at ng Mataas na Kapulungan nitong 2024, nagsimula nang magplano’t magtatag ang elihibleng mga paaralan ng kani-kanilang tanggapan o departamento na makakapaghain ng mga programang pang-ETEEAP.
Isa na rito ang University of the East (UE), na nabigyang kapangyarihan ng pamahalaan noong Mayo 2023 na mag-alok ng mga programang pang-kolehiyo na bukod sa mapag-aaralan ng mga estudyanteng binatilyo o dalagita sa loob ng silid-aralan ay maaari ring matutunan ng mga nakatatandang mag-aaral nang kahit wala sa mismong eskwelahan.
Nitong nakaraang mga taon ay kailangang nasa ikatlong antas ng akreditasyon ang maiaalok na programa, kung kaya’t kaunti ang mapagpipiliang “kurso” ng mag-i-ETEEAP.
Ngayong ganap na batas na ito ay napalakas ang programa upang ang pagiging sertipikado ng CHED ng isang pamantasan bilang “autonomous” o kaya’y “deregulated” ay sapat na para makapagprisinta ang isang eskwelahan ng mas marami pang mapagpipiliang programang pang-batsilyer sa iba’t ibang larangan na pupuwede ring pang-ETEEAP. Sa UE, halimbawa, kabilang ang information technology, komunikasyon, financial management at marketing management sa kanilang maiaalok para sa mga mag-i-ETEEAP, at malapit nang sumunod ang kanilang programa sa political science.
Tila sinasalamin ng lahat ng ito ang mahabang paglalakbay ng mga maaaring mapakinabangan ang ETEEAP: ang sinumang Pilipino, narito man sa bansa o kaya’y mas malayo pang mga OFW sa ibayong dagat, na hindi nakatuntong o nakapagtapos ng kolehiyo ngunit sagana sa karanasang pamumuhay pero tuluyan nang napabayaan o natalikdan ang pagbabalik-eskwela. Sa mata ng ETEEAP, katumbas ng kanilang ‘di-matatawarang karunungan mula sa pagtatrabaho at sa “school of hard knocks” ang kaalamang maaaring matamo sa karaniwang pagiging estudyante sa loob ng paaralan.
Bagama’t kakailanganin pa ring maging mag-aaral ng sinumang mag-i-ETEEAP, bukod sa pagiging online ng mga klase nito ay mas maiksi ang kanilang magiging pag-aaral, dala ng magiging katumbas na credits ng kanilang mga karanasan bilang propesyonal o manggagawa.
Bukod sa pagiging Pinoy, kabilang sa mga kondisyon upang maging estudyanteng ETEEAP ay ang pagiging edad 23 pataas, nakapagtapos ng mataas na paaralan o high school o kaya’y nakapag-Alternative Learning System (ALS) at Philippine Educational Placement Test (PEPT), naging empleyado ng may limang taon o mahigit pa sa industriya o hanapbuhay na may kinalaman sa papasuking ETEEAP na programa, o kung wala mang hanapbuhay sa kasalukuyan ay maaaring makapagpakita ng mga dokumentong makapagpapatunay ng kumpetensiya sa larangang nakasanayan.
Sa malawakang banda, ang ETEEAP ay isang malaking pagkilala sa isang ‘di-maitatwang katotohanan, na ang pag-aaral ay hindi limitado’t maikakahon sa mga silid-aralan. Sa matayog na punto, mas makagaganyak ito ng mga magsisipagtapos ng programa na lalo pang maging katangi-tangi, maunlad at kapaki-pakinabang na mga mamamayan ng bayan at ng daigdig.
Makislap na daan ang ETEEAP upang matuldukan ang matagal nang minimithi ng marami sa atin: ang pagkakamit ng titulong pagpapatotoo ng pagtatapos ng kolehiyo at ang kalakip nitong benepisyo sa larangan ng pag-abot ng pangarap.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments