ERIK, NAGSALITA NA SA PAGSUSPINDE NG MTRCB SA IT'S SHOWTIME
- BULGAR
- Sep 8, 2023
- 3 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | September 8, 2023

Si Erik Santos ang special guest sa programang Cristy Ferminute sa Radyo 5 92.3 TRUE FM nina Nanay Cristy Fermin at Romel Chika nu'ng Martes (September 5) nang tanghali at nagpahayag ito ng kanyang saloobin tungkol sa 12-day suspension ng programang It’s Showtime na ipinataw ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Hiningan ni ‘Nay Cristy ng reaksiyon si Erik tungkol dito.
“Nabasa ko nga po ‘yan, ‘Nay. Actually, kagabi, bago ako matulog, nalulungkot po ako bilang part ng Showtime kasi po isa ako sa mga hurado ng Tawag ng Tanghalan.
“But I hope and I pray na muli po ay malampasan ng buong production, kasama rin po ako ru’n, itong pagsubok na ito,” sambit ng mang-aawit.
Hirit naman ng CFM host, “Lahat naman ng pagsubok, anak, nalalagpasan natin ‘yan at kanina nga, nag-isyu na ang Showtime, si Konsehal Jhong Hilario ang nagbasa na habang hindi pa po nagiging pinal ang desisyon dahil may MR (Motion for Reconsideration) pa po sila at may MR pa rin po sa Office of the President (Bongbong Marcos), sakaling hindi tanggapin ng MTRCB (ay) tuluy-tuloy pa rin po sila sa pagbibigay ng saya sa ating mga kababayan.”
Anyway, sa dalawang dekada ni Erik sa kanyang singing career ay gusto niya itong iselebra sa pamamagitan ng malaking konsiyerto na mangyayari sa Oktubre 6, 2023 sa ganap na 8 PM na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Ang titulo ay Milestone: The 20th Anniversary Concert na ididirek ni John Prats at si Homer Flores ang tatayong musical director with special guest, Sheryn Regis na tinaguriang Crystal Voice of Asia.
Maraming beses na kaming nakapanood ng major shows ni Erik at laging nakaupo sa unahan ang kanyang mga magulang noong nabubuhay pa ang mga ito na sina Ginoong Renato Santos at Ginang Angelita Ramos-Santos.
Kaya ramdam namin kung gaano kasakit ito para kay Erik dahil wala na ang kanyang mga magulang upang kantahin ang mga paboritong awitin ng mga ito at wala na rin siyang bibigyan ng bulaklak kapag lalapitan niya ang ina.
Kaya ang payo niya sa lahat, “Sa mga taong kumpleto pa po ang magulang na— continue honoring your parents. Kasi hindi mo talaga alam kung hanggang kailan mo sila mayayakap, kung kailan ‘yung last time na masasabihan mo sila ng ‘I love you’ at kung kailan ‘yung last time na maipapadama mo sa kanila kung gaano mo sila kamahal.”
Binati ni ‘Nay Cristy si Erik dahil kahit dalawang dekada na ito ay aktibo pa rin at iilan na lang silang may ganitong estado sa industriya.
Sabi ng binata ay hindi niya nalilimutan ang mahigpit na bilin ng kanyang nanay.
“Kailangan, grateful ka palagi. Kahit saan ka makarating, dapat ‘wag kang makakalimot du’n sa mga taong tumulong sa ‘yo sa pag-abot ng mga pangarap mo. At pangalawa, palagi ka dapat maging mapagkumbaba sa kahit na ano’ng kondisyon at sitwasyon ng buhay. So, ako po, ‘yun ang core values ko, ‘Nay, at ito po ‘yung dadalhin ko sa concert.”
Dagdag pa, “‘Nay, I want to take this opportunity to thank you personally. Alam ko naman na madalas po ay nakakapag-usap din tayo sa phone, malaking bahagi ka po sa aking 20 years in the business kasi naalala ko, ‘Nay, na simula nu’ng nagsisimula ako hanggang ngayon na ‘yung suporta mo sa akin ay talagang priceless po, sobra.
“Know that I love you so much and I’m so happy na patuloy pa rin po ang inyong pamamayagpag, maraming salamat. Thank you for your help, for your support, for your love all these years. Mahal ka ng buong pamilya ko, ‘Nay Cristy, thank you so much.”





Comments