ERIK, HAPPY PARA SA EX NA SI ANGELINE NA MAY BAGO NANG DYOWA
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | December 04, 2021

Bilang singer/performer, aminado si Erik Santos na isa siya sa greatly affected ng pandemic since bawal nga ang mga live concerts and events na siyang main source of income nila.
Mabuti na lang daw at may savings siya kaya nakaka-survive mula nang nagsimula ang pandemic hanggang ngayon.
“Salamat sa Diyos kasi napakaimportante po talaga ng may naipon ka. Napakaimportante ng marunong kang maghawak ng pera,” ani Erik nang makatsikahan namin last Thursday sa launching ng kanyang bagong Christmas single na Paskong Kayakap Ka.
Nakuha raw niya sa mga magulang ang pagiging smart spender, kaya nang dumating ang pandemic, sobrang malaking tulong ang kanyang savings.
“So, nagpapasalamat po ako kasi kung nagwaldas po ako before, siguro, medyo, hirap din po ako ngayon. Pero dahil nga sa ‘yun nga, kahit paano, may naipon, hindi po naging ganu’n kahirap para sa amin.
“Especially sa akin na I provide for my own family. I am the breadwinner, so ako po talaga ang inaasahan ng lahat sa amin. So, maraming salamat kasi at least, may naipon po tayo kahit paano,” aniya.
Pero tulad ng iba na nakaranas ng anxiety because of the pandemic, ani Erik ay pinagdaanan din niya ito.
“Ang hirap, eh. Kasi for someone na talagang busy talaga, alam mo ‘yun, na ang dami-daming ginagawa, biglang nahinto. So, nagkaroon ako ng parang anxiety. Tulad ng ibang tao rin na mga kakilala ko sa industriya na nagkaroon din sila ng anxiety,” pag-amin ni Erik.
Ngayon ay medyo okay na raw siya at naka-adjust na rin. Kaya nga masaya siya na unti-unti na ring bumabalik sa dati ang lahat at tulad nga ngayon ay nakapag-release ulit siya ng bagong single.
Dahil nga ang title ng bago niyang single ay Paskong Kayakap Ka, natanong namin si Erik kung sino ang kayakap niya ngayong Pasko. Natawa ang singer at sey niya, wala nga raw dahil loveless pa rin siya.
Medyo matagal-tagal na raw siyang loveless at meron naman daw siyang mga nagugustuhan pero talaga sigurong hindi pa ukol.
Simple lang naman daw ang gusto niya sa isang babae, “'Yung mamahalin talaga ako at mamahalin ko rin at the same time. ‘Yung grabe ‘yung faith niya kay God, kailangan pareho kami ng faith. Kailangan, pareho kami ng values in life and ‘yung mamahalin din ang pamilya ko.”
Nahingan ng comment si Erik tungkol sa boyfriend ni Angeline Quinto na as we all know ay ex-girlfriend niya.
Ayon kay Erik ay nag-open-up naman sa kanya si Angeline tungkol dito at masaya siya para sa dalaga.
“Okay naman po. Wala naman pong problema. Saka kami naman po ni Angeline, na-build na namin ‘yung friendship namin na kahit ano’ng mangyari, palagi kaming nandiyan para sa isa’t isa.
“So, kahit may mga ganu'ng pagsubok na tulad nu’n, hindi naman pagsubok, pero siyempre, lahat naman tayo, kailangan ng romance, 'di ba? It so happened na nauna siya kaysa sa akin,” he said.
Anyway, very timely naman ang Christmas single ni Erik under Star Music composed by Jonathan Manalo.
"Dahil sa pandemya, maraming tao tayong nami-miss at gustong makasama at mayakap na matagal na nating hindi nakikita - kapamilya, malalapit na kaibigan, kasintahan, at mga mahal sa buhay,” sey ni Erik.
Nito lang Oktubre, inilabas ng 'King of OPM Theme Songs' ang bersiyon niya ng worship song na Sigaw Ng Puso tungkol sa pagsunod sa plano ng Diyos sa kabila ng maraming unos sa buhay.
Regular siyang napapanood bilang host at performer sa ASAP Natin 'To.
Mapapakinggan ang Paskong Kayakap Ka ni Erik sa ABS-CBN Star Music YouTube channel at sa iba't bang digital music platforms.





Comments