Eric, ‘di umubra… BOY2, KUMANTANG NAPILITAN LANG IDIREK ANG HOME ALONG DA RILES: DA REUNION
- BULGAR

- Jun 19
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | June 19, 2026

Photo: Cast ng Home Along Da Riles - Boy 2 Quizon IG
Aminado si Boy2 Quizon na noong una ay gusto niyang si Eric Quizon ang magdirek ng Home Along Da Riles: Da Reunion (HADRDR), pero dahil abala ito, kinumbinse siya nina Vandolph Quizon at Maybelyn dela Cruz na siya na lang ang magdirek ng pelikula.
Ang rason ni Boy2, mahirap kasi na producer na siya, gumaganap pa bilang Estong sa movie, tapos magdidirek pa.
Aminado si Boy2 na nahilo siya habang nagsu-shooting dahil habang nagdidirek ay kailangan din niyang umarte kapag may eksenang kasama siya.
Hindi rin biro ang pinagdaanan nila bago nabuo ang pelikula, kung saan mahigit dalawang taon ang binuno nila para matapos ito.
Ang una nilang balak ay itago ito sa publiko at palabasing simpleng reunion lang ang pagsasama-sama nila. Dapat sana ay ipapalabas ito ng December at balak isali sa Metro Manila Film Festival noon, pero kahit hindi ito natuloy ay hindi naging big deal dahil napanatili nilang secret na nagawa na nila ang pelikula.
Samantala, hiningan din namin ng reaksiyon si Boy2 sa apela ngayon ng marami na itanghal na ngayong taon bilang National Artist si Dolphy sa pangunguna na rin ni Manila 3rd District Representative Joel Chua, kung saan ipinasa nito ang House Resolution No. 41 para isulong ang pagkilala sa Comedy King bilang National Artist dahil sa hindi matatawarang kontribusyon nito sa showbiz industry.
Masaya si Boy2 sa panawagan na ito ng marami dahil para sa kanya ay karapat-dapat na ipagkaloob ito sa kanyang Lolo Dolphy. Pahayag nga ng aktor, kahit noong buhay pa ang lolo niya ay lagi nitong sinasabi sa kanila na kung hindi para talaga sa kanya ay hindi para sa kanya ang award.
Alam ni Boy2 na may mga nagsasabi na komedya lang kasi ang ginagawa ng kanyang Lolo Dolphy, pero depensa ng aktor-direktor ay napakahirap magpatawa at alam niya na napakaraming napaligaya ng Comedy King.
Ang Home Along Da Riles: Da Reunion ay tribute hindi lamang para sa kanyang lolo kundi sa lahat ng naging bahagi ng show na nawala na’t namaalam.
Sa ngayon ay showing na ang pelikula sa mga sinehan sa ilalim ng Riles Productions at TJAV Productions, Inc. sa direksiyon din ni Boy2 Quizon.
INAMIN ni Isha Ponti na ginawa niyang inspirasyon ang mga kasawian niya sa pag-ibig para makalikha ng sariling komposisyon.
Sa kanyang debut self-produced album na may titulong Likas, binubuo ito ng sampung original compositions gaya ng Darating, Numero, Hinga, Kabanata, Halika, Warmth, Gulong, Bakas, Riversky, at Mismo.
Nang tanungin kung bakit isang salita lang ang bawat titulo ng kanyang mga kanta, paliwanag ni Isha, ganu’n talaga ang istilo niya sa mga komposisyon dahil mas gusto niya ang simple at sapat na ito para mailarawan kung tungkol saan ang kanta.
Nabanggit naman niya sina Sarah Geronimo, Yeng Constantino, Maki, at SB19 sa mga gusto niyang maka-collaborate.
Nagmula sa isang may kayang pamilya, kasalukuyang nag-aaral si Isha sa Enderun Colleges at kumukuha ng kursong Multimedia Arts. Labis din ang pasasalamat ni Isha sa suportang ibinibigay ng kanyang mga magulang pagdating sa kanyang singing career. Ang kantang You Loved Me First ay handog niya sa inang si Emeelette Pontanares, at ang kantang Proud To Say ay surprise birthday at Father’s Day gift naman niya sa amang si Alvin Pontanares.
Sa kabila ng talento at husay sa pagko-compose at pagkanta, kung susuwertehin na makabuo ng pangalan sa industriya, gusto pa ring panatilihin at pangalagaan ni Isha Ponti ang kanyang privacy bilang pribadong tao, na ginagawa rin ng iba pang singers.





Comments