top of page

Epekto ng pagpapatawad sa legal na hiwalayan

  • BULGAR
  • Sep 24, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 24, 2022


Dear Chief Acosta,


Inabandona ako ng aking asawa nang walang dahilan isang buwan bago ako manganak. Bumalik siya matapos ang mahigit dalawang taon pagkatapos kong manganak. Pinatawad ko siya sa pag-abandona niya sa akin at nagsama kami ulit bilang mag-asawa, pero napansin kong hindi na namin mahal ang isa’t isa. Posible bang maging legal ang paghihiwalay naming mag-asawa dahil inabandona niya kaming mag-ina noon? - Tita


Dear Tita,


Ang sagot sa iyong katanungan ay makikita sa Artikulo 55 (10) at 56 (1) ng Family Code of the Philippines na nagsaad na:


“ARTICLE 55. A petition for legal separation may be filed on any of the following grounds:


xxx


(10) Abandonment of petitioner by respondent without justifiable cause for more than one year.



ARTICLE 56. The petition for legal separation shall be denied on any of the following grounds:


(1) Where the aggrieved party has condoned the offense or act complained of; xxx (Binigyang diin)



Malinaw na nakasaad sa batas na ang pag-abandona sa asawa nang walang makatwirang dahilan nang higit sa isang taon ay isa sa mga batayan sa pagsasampa ng kasong legal na paghihiwalay (legal separation). Gayunman, ang petisyon para sa nasabing kaso ay dapat i-deny kapag ang naagrabyado na partido ay pinatawad (condoned) ang pagkakasala. Samakatwid, ang pagpapatawad sa nagawang kamalian ay balakid sa kasong legal na paghihiwalay.


Sa iyong sitwasyon, may posibilidad na hindi igawad ng hukuman ang iyong hiling na legal na paghihiwalay kapag nalaman nito na pinatawad mo na ang iyong asawa sa pag-abandona sa inyo ng iyong anak at nagkabalikan pa kayong mag-asawa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page