top of page
Search
  • BULGAR

Epekto ng paggawa ng panibagong krimen sa probation

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 17, 2021


Dear Chief Acosta,


Kinasuhan ko ang aking kapitbahay ng Grave Threats at nahatulan na guilty ng

trial court. Nag-apply siya ng probation at inaprubahan naman ito. Ngunit, isang linggo

pa lamang ang nakalilipas matapos nito, nagsimula na naman siyang manggulo sa

amin hanggang nagkapisikalan na sila ng aking asawa. Ni-report namin ito sa mga

pulis at siya ay inaresto. Nais ko sana siyang kasuhan ng physical injuries. Ano ba

ang dapat kong gawin? – Princess


Dear Princess,


Ang unang hakbang na inyong dapat gawin ay ang pag-report ng naturang insidente sa

probation officer na nagsu-supervise sa inyong kapitbahay. Ayon sa Section 11 ng Presidential

Decree (P.D.) No. 968 o Probation Law na inamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 10707,

kapag nilabag ng probationer ang alinman sa mga kondisyong nakapaloob sa probation order o

kaya naman ay gumawa na naman siya ng panibagong krimen, siya ay maaaring arestuhing muli

at ikulong upang pagdusahan niya ang kaparusahan na ipinataw sa kanya sa krimen na

pinagkalooban siya ng probation, viz:


“Section 11. Effectivity of Probation Order. A probation order shall take

effect upon its issuance, at which time the court shall inform the offender

of the consequences thereof and explain that upon his failure to comply

with any of the conditions prescribed in the said order or his commission

of another offense, he shall serve the penalty imposed for the offense

under which he was placed on probation.”


Base sa inyong kuwento, malinaw na ang ginawang panggugulo ng inyong kapitbahay na

humantong sa pisikalang pag-aaway ay paglabag sa Section 11 ng P.D. No. 968, na nakapaloob

sa kaniyang probation order sapagkat ito ay maituturing na paggawa ng panibagong krimen.

Dahil dito, siya ay kinakailangang arestuhin ng kaniyang probation officer sa bisa ng warrant of arrest upang muling humarap sa korte para sa isang informal at summary hearing na kung saan ay aalamin kung mayroon nga bang naging paglabag. Bukod dito, maaari mo pa rin siyang kasuhan ng Physical Injuries dahil sa pananakit na ginawa niya sa inyong asawa.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na

ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi

namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay.

Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page