top of page

Epekto ng apela ng kapwa akusado

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 25
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 25, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Sa kasamaang palad, kami ng kaibigan ko na si Albert ay napagbintangan na nagnakaw sa isang tindahan malapit sa amin. Alam ko sa sarili ko na wala talaga kaming kinuha na anuman sa tindahan na iyon, ngunit noong unang dininig ang kaso namin sa mababang hukuman ay nahatulan kami ng pagkakakulong. Ngunit dahil sa ako ay naniniwala na wala kaming kasalanan ay nag-apela ako sa mataas na hukuman. Sa kalagayan naman ni Albert ay hindi siya nakapag-apela dahil na rin sa siya ay natatakot sa aming kalaban. Makalipas ang ilang taon, nagdesisyon ang mataas na hukuman at kami ay napawalang-sala. Gusto ko lang malaman kung maaari rin bang matamasa ni Albert ang nasabing desisyon?

— Tindeng

Dear Tindeng,


Nakasaad sa Section 11, Rule 122 ng Rules of Court na kung marami ang akusado ngunit isa o iilan lamang sa kanila ang nag-apela patungkol sa desisyon ng mababang hukuman, at ang akusadong umapela ay nakakuha ng pabor na desisyon, maaari rin itong matamasa ng kapwa niya mga akusado: 


Section 11. Effect of appeal by any of several accused. —


(a) An appeal taken by one or more of several accused shall not affect those who did not appeal, except insofar as the judgment of the appellate court is favorable and applicable to the latter; x x x


Ipaliwanag natin ng kaunti ang nabanggit na artikulo ng panuntunan. Kapag marami ang mga akusado, at ang isa o ilan sa kanila ay nagdesisyon na mag-apela patungkol sa kanilang kasong kriminal, ang desisyon sa nasabing apela ay karaniwang hindi makaaapekto roon sa ibang mga akusado na hindi nag-apela. Ang tanging eksepsyon dito ay kung ang nasabing desisyon ay pumapabor at naaangkop din sa ibang akusado na hindi nag-apela. 

 

Kaya naman, sa pamamagitan ng seksyong ito, magkakaroon ng proteksyon ang mga kapwa akusado dahil kung ang desisyon ng mataas na hukuman ay mas mabigat, hindi nito maaapektuhan ang ibang akusado na hindi nag-apela. Ngunit kung ang hatol o desisyon ng mataas na hukuman ay pabor at naangkop sa kanila, maaari rin nilang matamasa ang mga benepisyo ng nasabing desisyon. 


Sa iyong sitwasyon, bagama’t ikaw lang ang nag-apela at ang iyong kaibigang si Albert ay hindi nag-apela, ang pabor na desisyon na iyong natamasa ay maaari ring matamasa ni Albert kung ito ay pabor at naaangkop din sa kanya. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page