‘Epalitiko’, ‘wag hayaan sa mga rally
- BULGAR
- Jan 14
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Jan. 14, 2025

Kahit siguro ipagbawal pa ay mayroong lalabas at lalabas na mga pulitiko na eepal sa mga magaganap na rally.
Kaya naman nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa 2025 national at local elections (NLE), para sa ginanap na peace rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Maynila kahapon, na huwag gamitin ang event o kaganapan sa pamumulitika.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang mga nagnanais na maupo sa puwesto o aspirante ay hindi dapat ginagamit ang ganitong klaseng religious activities upang mangampanya.
Paliwanag niya, ito ay isang pagtitipon para sa pananampalataya at pagkakaisa, at kaisa sila ng INC sa napakarangal na layuning ito.
Binigyang-diin niya na hindi dapat sinasamantala ng ilan ang okasyon para sa pansariling kapakanan, habang dapat na iwasan ang pagiging ‘epalitiko’.
Matatandaang inorganisa ng INC ang sabay-sabay na National Rally for Peace sa buong bansa para manawagan ng pagkakaisa sa gitna ng mga isyung pulitikal na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng ating bansa.
Batay sa Comelec, ang mga kandidato para sa national at local posts ay ipinagbabawal na mangampanya kahit na opisyal na nagsimula ang election period nitong Linggo. Ang campaign period para sa national candidates ay sa February 11 hanggang May 10, habang ang mga local aspirants ay mula March 28 hanggang May 10.
Ito ang masakit na katotohanan na may ilang pulitiko ang talagang hindi mapigilan at gustong iangat ang sarili lalo na kapag napakaraming botante ang nakikinig o nasa mga ginaganap na rally.
Katwiran nga naman nila, ito na ang panahon para makilala sila na posibleng tumatak sa isipan ng mga kababayan na maisusulat nila sa mga balota.
Kumbaga, parang kinukondisyon na ng mga ‘epalitikong’ ito ang utak ng mga botante para pagdating ng eleksyon ay maayos na ang lahat. Kaya dapat huwag nating hayaan na bumida o ibida ang kanilang sarili sa ganitong pagtitipon.
Payo lang sana natin sa mga kababayan na maging matalino tayo sa pagboto. Baguhin na natin ang nakaugaliang istilo. Huwag tayong basta lang magpapauto dahil baka sa huli ay pagsisihan lang natin ito.
Higit sa lahat, pag-isipan nating mabuti kung ang kandidatong ating iboboto ay makatutulong sa atin, ‘yung totoong tapat at handang magserbisyo para sa ating ikabubuti at ikauunlad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments