Search
  • BULGAR

‘Epalitiko’ sa panahon ng pandemya, mahiya naman sana!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | May 04, 2021


Nagsimula sa simple at marangal na ideya, “Magbigay ayon sa kakayanan, kumuha batay sa pangangailangan.” At d’yan nagsimula ang unang community pantry sa bansa. Dahil sa napakadakila ng pamamaraan para makatulong sa kapwa na nalulunod na sa kahirapan dulot ng pandemya, nag-usbungan sa lahat ng panig ng bansa ang mga community pantry.


At ngayon, pati sa East Timor ay nagtayo na rin ng kanilang unang community pantry dahil sa inspirasyong dulot ng ideya ni Ana Patricia Non.


Kaya’t nakapagtataka kung ano ang nagtulak sa dalawang opisyal ng NTF-ELCAC para isiping komunista ang mga organizers nito at kailangang imbestigahan ang kanilang pagkatao.


Sa laki na nga ng community pantry sa Maginhawa kung saan sa Philcoa na umaabot ang pila ng tao, minabuti nilang gawing bagsakan na lang ng donasyon ito at sila na ang mamamahagi sa iba’t ibang barangay sa Diliman para hindi na rin mahirapan ang tao na pumila. Maiiwasan na rin ang ilang abusado sa mga pantries. Nagpapasalamat tayo sa lahat ng nagbigay ng kahit anong klaseng tulong sa mga community pantries. Maraming klaseng tulong na nga ang inaalay, hindi lang pagkain — may ilang gimik at patawa pa.


Mabanggit na lang rin natin ang na ibinigay ng pulis sa Sampaloc sa mga tricycle at jeepney driver kung saan sinagot ng mga ito ang kanilang boundary. Totoo nga na mas mabiyaya sila dahil kahit sa panahon ng pandemya ay hindi sila nawalan ng trabaho. Kaya ang kanilang tulong ay siguradong ikatutuwa ng mga makatatanggap. Ganito ang mga balita na gusto nating marinig kapag pulis ang pinag-uusapan. Mabuhay kayo!


Muli nating nakita ng buong mundo ang bayanihan ng Pilipino. Diwa na hindi kayang takutin ninuman. Mabuti na lang at pinatahimik na ang dalawang opisyal na nais masamain lang ang intensiyon ng community pantry. Malakas ang panawagan na tanggalin bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC si Lt. Gen. Parlade. Malaya na ang mga pantry para makatulong sa mga nangangailangan. Ipinagbawal na rin ng ang maglagay ng mga pangalan ng pulitiko sa mga community pantries para hindi pagsamantalahan ng mga epal. Tama lang. May mga pulitiko na hindi matiis ang hindi makita ang pangalan kung saan-saan.


Pero, bakit tila pinabayaan ang dalawang mambabatas na magbigay ng Ivermectin? Wala pang matibay na ebidensiya na puwede itong gamitin panlaban o magbigay ng proteksiyon sa COVID-19. May balita na mga resetang ipinakita ay walang pangalan ng doktor pero binigyan pa rin. Akala ko ba bawal ang epal? O, puwede naman basta kaalyado ng administrasyon?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.