top of page
Search
  • BULGAR

Emergency allowance, ibigay na sa health workers

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | April 17, 2024



Inabot na ng ingay ang pamunuan ng Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa naantalang release ng health emergency allowance (HEA) kaya pinupukpok na rin ng DBM ang Department of Health (DOH) na madaliin na ang release nito. 


Paano nga namang hindi maaalarma ang DBM — dahil ang kanilang tanggapan ay matagal na umanong nag-release ng P1.283 bilyon sa DOH para sa disbursement ng health workers benefits at allowances pero nakakapagtakang tila nagkaroon nang pagbagal ang pamamahagi.


Mula pa kasi ng pandemic ay nagkaroon na ng batas para mabigyan ng compensation ‘yung ating mga health workers, at napakalaking halaga na ang ini-release pero hanggang ngayon ay maraming health workers ang inip na inip na.


Nabatid na ayon sa ulat ng DOH, nasa P64 bilyon pa lamang ang kanilang naipapamahagi sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) kabilang na ang P73.26 bilyon na sakop sana sa claims ng 653,295 kuwalipikadong public at private healthcare at non-healthcare workers para sa kanilang health emergency allowance o One COVID-19 allowance mula Hulyo 1, 2021 hanggang Hulyo 20, 2023.


Panahon na marahil para tapusin na ng DOH ang problemang ito dahil ang DBM ay naglabas na rin ng P12.90 bilyon para sa Special Risk Allowance (SRA), P3.65 bilyon naman para sa COVID-19 Sickness and Death Compensation, at P1.4 bilyon para sa iba pang benepisyo tulad ng meal, accommodation, at transportation allowance.


Nabatid na ang kabuuang halaga ng P19.962 bilyon sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act ay inilaan din para sa DOH’s arrears at pending claims.


Sa tingin ko ay wala namang pagkukulang ang DBM dahil kasalukuyan na nilang inaasikaso ang budget para sa taong ito, at agad namang inire-release at kasama rito ang budget para sa DOH kaya medyo nakababahala na naantala ang pagdating nito sa mga healthcare worker na pangunahin nating inaalala.


Kailangang ma-finalize ng DOH ang problema sa HEA claims upang maipakita ang transparency at tuloy ay mapawi na ang mga agam-agam na nahaluan na ng ibang suliranin ang kagawaran.


Kayang-kaya namang ayusin ang pagkakaantalang ito sa lalong madaling panahon at kayang-kaya rin ito ng DOH kung sisimulan lang nilang trabahuin.


Mabilis naman ang solusyon sa problemang ito dahil meron namang link ang DOH para sa HEA mapping, kaya lang ay ikinakatuwiran ng health department na may mga inaayos pa umano sila sa mga dokumento na kailangan ng adjustment.


Ang maganda lang ay nangako na ang DOH na aayusin na umano nila agad. Siguro sa pagkakataong ito ay bigyan natin ng sapat na pagkakataon ang kagawaran para matapos nila ang kanilang obligasyon.


Maganda ang hakbanging ito ng DOH na nangako silang tatapusin na ang lahat, tutal ito lang naman ang hinihintay ng mga health workers — ang magpaliwanag sila at nangako pa — kaya hintayin na lang natin.


Habang isinasagawa ng DOH ang HEA mapping ay tinatawagan natin ang mga health worker na huwag mag-alala dahil tiyak namang maibibigay ng kagawaran ang mga hindi pa nababayarang benepisyo ng ating mga manggagawa.


Buhay ang kanilang puhunan at buhay din ang kanilang iniligtas sa panahon ng pandemya at hindi sila nagdalawang-isip sa pagtugon para tumulong tapos ngayon ay binibitin-bitin natin sila.


Dapat nating isipin na ang ilan sa mga health worker na ito ay inilaan ng pambayad sa mga utang ang inaasahan nilang benepisyo. Alam naman natin ang buhay ng isang empleyado na hindi pa natatanggap ang suweldo o benepisyo ay may pinaglalaanan ng bayarin.


Hiling natin na sana ay maayos na ang usaping ito at sa ating mga health worker ay huwag mag-alala dahil hindi natin tantanan ang DOH para tapusin na ang problemang ito.


Kapag hindi pa naisaayos sa buwang ito ay tiyak na may iba ng suliraning kinakaharap ang DOH at hindi na natin dapat paniwalaan ang katuwiran nilang may inaayos lang sa mga dokumento.


Anak ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Yorumlar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page