top of page

Ekstensyon ng rice import ban, malaking tulong sa mga magsasaka

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | November 4, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung saan tila bawat butil ng bigas ay kasing halaga na ng ginto, isang malaking hakbang ang ginawa ng gobyerno na aprubahan ang pagpapalawig ng rice import ban hanggang sa katapusan ng 2025. 


Isang desisyong hindi lang tungkol sa ekonomiya kundi patunay na may malasakit pa rin ang pamahalaan sa mga magsasakang Pinoy. 


Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pag-apruba ng extension ng rice import ban, na mapatatag ang farmgate prices ng mga palay. 


Bagaman aminado ang Department of Agriculture (DA) na maliit lamang ang epekto ng import ban sa presyo at suplay ng bigas sa mga pamilihan, malaki naman ang maitutulong nito sa kita ng ating mga magsasaka. 


Dahil dito, nakikita ng gobyerno ang pangangailangang ipagpatuloy ang polisiya upang tuluyang mabigyan ng proteksyon ang lokal na produksyon laban sa murang imported na bigas. 


Kahapon, Nobyembre 3, ipinalabas na ang Executive Order bilang pormal na batayan ng pagpapalawig ng rice import suspension. 


Sa unang yugto ng suspensyon, pansamantalang tataas ang presyo ng palay ngunit unti-unting din namang babalik sa dati kapag malapit nang matapos ang ban. Kaya’t sa bagong desisyong ito, umaasa ang gobyerno na mas magtuluy-tuloy ang suporta sa mga lokal na magsasaka, kasabay ng programang “Sagip Saka” at pagtatakda ng floor price para sa palay. 


Tinataya naman ng DA na mananatiling sapat ang suplay ng bigas kahit pa ipagpatuloy ang naturang ban.


Paliwanag pa ng kagawaran, may 89 araw na buffer stock ng bigas sa pagtatapos ng taon, habang maaaring umabot pa ng 92 araw sa mas inaasahang pagtataya. Ibig sabihin, hindi mauubos ang bigas kahit pansamantalang isara ang pintuan sa imported grains. 


Ang desisyong ito ay hindi lamang polisiya sa agrikultura, isa itong pahayag ng ating paninindigan. Ito rin ay nangangahulugan ng pagtangkilik ng ating sariling ani mula sa mga nagsisikap na mga kababayang magsasaka. 


Ngunit, kung talagang nais nating tumagal ang epekto ng ganitong hakbang, dapat ding sabayan ito ng modernisasyon sa agrikultura, tamang irigasyon, at mas maayos na transportasyon ng mga aning pananim, upang masigurong hindi malalagay sa alanganin ang pinaghirapan ng mga magsasaka. 


Ang tunay na tagumpay ng rice import ban ay hindi lamang nasusukat sa presyo ng bigas kundi sa ngiti ng bawat magsasakang muling nakakahinga sa tamang presyo ng kanilang mga palay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page