Eh, di wow, ha?!... SETH AT ANDREA SA ISA'T ISA: AKIN LAMANG IKAW!
- BULGAR
- Mar 20, 2021
- 3 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | March 20, 2021

‘ALI’ ang term of endearment nina Seth Fedelin at Andrea Brillantes na ang ibig sabihin ay "Akin Lamang Ikaw". O, 'di ba, parang titulo ng serye?
May relasyon na nga ba ang dalawa? Bakit may term of endearment sila bukod pa sa nag-I love you at bilin pa ng aktor sa aktres, “Sana, Ali, ako 'yung kasama mo 'pag natupad mo na lahat ng dreams mo. Gusto kong maging saksi ru'n.”
Anyway, ito ang caption ng larawan ni Andrea na ipinost ni Seth sa kanyang Instagram account nu’ng mismong kaarawan nito last March 12: “Eto pa ulit, hehehehe!!!!!! Happy 18th BirthDay Ali! (emoji heart). Sensya na wala ako mismo sa araw ng b-day mo, nakakalungkot. Sana ngayong 18 ka na, hindi ka magbago kung ano ka sa mga tao, maging bait ka palagi, ha? At Ali, wish ko, sana lahat ng pangarap mo, matupad mo, as in lahat-lahat, at sana, ako ang maging saksi mo doon sa mga pangarap mo. 'Pag okay na lahat, Ali, babawi ako kasi 'di ako makakapunta sa b-day mo, eh, (heart emoji). HAPPY BIRTHDAY, ALI KO, DITO LANG AKO PALAGI, HA.”
Bukod sa post na ito ni Seth ay may panayam din siya bilang escort ni Andrea sa exclusive photo shoot ng Metro Style Magazine sa kanilang dalawa para sa 18th birthday ng aktres kung saan naka-gown ito.
Aniya, “Grabe itong photo shoot mo, Ali, ha? Nakita ko 'yung tema, pang-dalagang-pang-dalaga na 'yung photo shoot mo. Naku, Ali, 18 ka na! Sana, 'wag ka pasaway. Joke lang!
"Gusto ko lang din sabihin sa 'yo, Ali, na, 18 ka na, enjoy mo lang 'yung buhay mo at sana, marating mo pa 'yung pangarap mo. At sana, mas maging responsable ka pa lalo. Alagaan mong mabuti ang sarili mo and 'andito lang ako to guide you and to support you. Mag-a-I love you sana ako.”
Dagdag pang sabi ni Seth, “Ang gusto ko kay Blythe o kay Ali? Gusto ko 'yung pagiging mabait n'ya. Mabait s'ya hindi lang sa 'kin, sa pamilya n'ya, pati sa ibang tao. Tapos 'yung pagiging malambing n'ya. Tapos, 'yung inspirasyon n'ya, paano n'ya pinapahalagahan 'yung isang bagay. May isa kasi s'yang goal, eh. Kung ano 'yung goal n'ya ngayong edad n'ya, du'n s'ya naka-focus.
“So, 'yun 'yung gusto ko sa kanya. Alam n'ya kung saan s'ya papunta. Gumagawa s'ya ng sarili n'yang daan. Hindi s'ya nalilihis ng daan. At maka-Diyos si Ali. Kahit sobrang kulit n'ya, talagang batang-bata, 'di mo makikita, lalo na 'pag 'di mo s'ya kilala, mayroon pala s'yang side na ganito.
"Eighteen ka na, ako magna-19, asahan mo, 'andito pa rin ako, iga-guide kita, magtulungan tayo. 'Yun lang. God bless. Sana, matupad mo lahat ang dreams mo. 'Andito lang ako. At sana, Ali, ako 'yung kasama mo 'pag natupad mo na lahat ng dreams mo. Gusto kong maging saksi du'n.”
Sabi naman ni Andrea, “Sa totoo lang, sobrang happy ko and grateful ako sa shoot na ito kasi wala akong talagang debut pero naramdaman ko dito 'yung pagiging isang debutante, so kinikilig ako.
“Gusto ko 'yung sumasayaw kami ni Seth kasi sobrang memorable para sa 'kin kasi never talaga ako nagkaroon ng sayaw with anyone. So, thank you sa kanya. Sabi ko, wala akong debut, so, gawin mo talagang escort kita ngayon, ha? Feel na feel ko 'yung layout na 'yun. Ang saya!”
Samantala, inamin ng aktres na nanghihinayang siya na hindi niya naipakilala sa lolo niya si Seth noong pumanaw ito noong 2019.
"Si Daddy Jun 'yung greatest man na naibigay sa akin ni Lord sa buhay ko. Ang lolo ko ang pinaka-the best para sa akin. Sobrang simple niya, nakakatawa siya. Hindi s'ya maarte. Siya 'yung naging parang partner in crime ko.
“Siya ang naging parang daddy ko. So, nu'ng nakilala ko si Seth, sa totoo lang, sa tingin ko lang, nu'ng nawala si Daddy Jun, dumating si Seth sa akin. Hindi rin maarte si Seth, tapos simple siya, nakakatawa siya.
“Si Seth ang nagturo sa akin na makisama sa mga tao kasi dati hindi ako sumasama sa mga tao, as in may shield ako. Pinoprotektahan ko ang sarili ko na nami-misunderstood ako before na suplada. Pero nu'ng dumating siya, na-keep ko 'yung shield ko sa sarili ko pero it's not as thick as before. Ngayon, mas naging magaan ako, tapos mas ginawa niya akong mabait na tao.”
Nabanggit din ng dalaga na puwede siyang umastang baby kay Seth at ini-spoil siya nito.
"Comfortable ako sa kanya. 'Pag nasa kanya ako, puwede akong magpa-baby kasi nararamdaman ko sa kanya na aalagaan niya ako tulad ng pag-aalaga sa akin ng lolo ko, na spoiled ako sa lolo ko."
Sa kasalukuyan ay magkasama ang dalawa sa seryeng Huwag Kang Mangamba na mapapanood na sa Lunes, Marso 22 sa A2Z, TV5 at Kapamilya online.
Kasama nina Seth at Andrea ang kapwa nila Gold Squad members na sina Francine Diaz at Kyle Echarri mula sa direksiyon nina Manny Palo, Darnell Villaflor at Jerry Sineneng.
Comentários