Nag-joke, akala raw patama sa co-star… MAVY, UNANG SERYE PA LANG, NASABON NA NI DIREK

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | October 15, 2026

Photo: Mavy Legaspi - IG
Isang sermon mula sa direktor ang hindi malilimutan ni Mavy Legaspi noong baguhan pa lamang siya sa showbiz matapos mapagkamalan ng direktor na nagpaparinig siya sa isang co-actor nang magbiro habang kinukunan ang isang eksena.
Sa guesting niya sa Gandang Gabi Vice (GGV), ibinahagi ni Mavy ang hindi niya inaasahang karanasan noong 17 taong gulang pa lamang siya at ginagawa ang una niyang teleserye.
Kuwento niya, nasa pool area sila nang biglang umulan. Nagbiro siya na sabon na lang ang kulang dahil nga puwedeng maligo, na hindi naman niya intensiyong iparinig sa sinuman.
Gayunman, ipinatawag siya ng direktor at pinagalitan sa tent dahil inakala nitong may pinatatamaan siya.
Nilinaw ni Mavy na wala siyang intensiyong magparinig sa kanilang co-actor at hindi rin niya alam na may ganoong usap-usapan noon sa set.
Sa hiwalayan lang din daw ang bagsak…
AIKO, HUMIRIT NA BIGYAN SILA NG CHANCE NI ONEMIG
NAGKAROON ng iba’t ibang reaksiyon ang mga netizens nang i-post sa social media ni Aiko Melendez ang ginawang pagpo-propose sa kanya ni Onemig Bondoc doon mismo sa puntod ni Jimi Melendez na daddy ng aktres-pulitiko.
May ilang natuwa para sa kanila, pero mayroon namang nagkomento ng negatibo. May ilang bashers pa ang nagsabing ilang beses na raw dumanas ng kabiguan sina Aiko at Onemig sa mga nakaraang relasyon. Hindi pa raw ba sila natututo?
May nagkomento rin na sa hiwalayan lang din mauuwi ang lahat kahit magpakasal pa sila.
Masakit para kay Konsehala Aiko ang mga naging pahayag ng mga bashers, kaya nakiusap siya sa lahat.
Aniya, “Please, ‘wag naman n’yo kaming i-judge agad! Bigyan n’yo kami ng chance. ‘Di kami perfect, at may mga pagkakamali rin sa mga una naming karelasyon.”
Sa ngayon, wala pang plano sina Aiko at Onemig Bondoc kung kailan sila magpapakasal, at iyon ang aabangan ng kanilang mga kaibigan at fans.
May resibo na…
DENNIS, MALAKAS DAW ANG LABAN SA BEST ACTOR SA MMFF 2026
MASAYANG-MASAYA ang buong cast ng pelikulang Amir sa pangunguna ni Dennis Trillo dahil nakapasok ang movie sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2026.
Kasama ito sa first batch ng mga pelikulang bubuo sa mga kalahok sa filmfest sa December. Bale walong pelikula ang maglalaban-laban.
Magkakaiba ang genre ng mga movie entries sa festival – may comedy, rom-com, family drama, horror, atbp.. May pagpipilian ang mga moviegoers.
Good news din dahil P299 lang ang ticket price sa MMFF 2026.
Para kay Dennis, malaking challenge ang pagkakaroon ng movie entry sa filmfest. Malaki ang expectation ng moviegoers sa kanyang pelikula dahil humakot ng awards noon ang Green Bones (GB), na kasali sa MMFF last 2024.
Kaya ngayon, ine-expect ng lahat na kasingganda at kasinglakas ng impact ng nakaraan niyang pelikula ang Amir.
Well, positibo ang pananaw ng production dahil ang sumulat ng istorya ay ang National Artist na si Ricky Lee, at si Zig Dulay ang direktor. Si Zig din ang direktor noon ng GB.
Subok na ang galing ni Dennis bilang isang aktor. Nabibigyan niya ng matinding emosyon ang bawat role na kanyang ginagampanan.
Ngayon pa lamang ay marami na ang nagsasabing tiyak na malakas na contender si Dennis bilang Best Actor sa MMFF 2026.





Comments