Edukasyon ng mga kabataan, ‘wag hayaang nakawin ng mga korup
- BULGAR

- Sep 27
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | September 27, 2025

Kapag may sumisingaw na alegasyon hinggil sa usapin ng kickback sa mga opisyal ng gobyerno, bukod sa pera nagiging dagok ito sa taumbayan — lalo na kung ang nadadawit ay mula mismo sa sektor ng edukasyon na dapat simbolo ng pag-asa at integridad.
Kaya nang mabanggit ang pangalan ng isang mataas na opisyal ng Department of Education (DepEd) na umano’y may komisyon galing sa proyekto ng gobyerno, hindi maiwasang mabaon sa alanganin ang imahe ng institusyong dapat gumagabay at inaasahang haligi ng kaalaman ng mga kabataan.
Sa naganap na pagdinig sa Senado, isiniwalat ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na may isang opisyal ng DepEd ang kabilang sa mga tumanggap umano ng komisyon mula sa listahan ng proyektong nagkakahalaga ng P2.85 bilyon noong 2024.
Ayon kay Bernardo, nasa 15 porsyento raw ng pondo ang itinuring na commitment mula sa unprogrammed appropriations sa Office of the Executive Secretary.
Mariing itinanggi ng nasabing opisyal ang paratang at nagpahayag na bukas siya sa anumang imbestigasyon. Dahil dito aniya ay boluntaryo siyang magli-leave of absence upang bigyang daan ang patas na proseso ng pagsisiyasat.
Iginiit naman ni DepEd Secretary Sonny Angara na nananatiling nakatuon sila sa pangunahing tungkulin na maghatid ng de-kalidad na edukasyon, at tiniyak na pangangalagaan ng kagawaran ang pinakamataas na pamantayan ng integridad.
Sa kabila ng pagtanggi, hindi maikakaila na ang pagkakadawit ng pangalan ng opisyal ay magbubukas ng maraming tanong hinggil sa kalinisan ng mga transaksyon sa pamahalaan.
Kung tutuusin, ang problema ay hindi lamang kung totoo o hindi ang alegasyon, kundi kung paanong patuloy na nadadamay ang sektor ng edukasyon sa mga isyu ng anomalya.
Ang edukasyon ay dapat maging ligtas na espasyo mula sa katiwalian, subalit tila hindi ito maalis sa impluwensya ng pamumulitika at pangungurakot.
Ang bawat sentimong inilalaan sa edukasyon ay para sa kinabukasan ng kabataan — hindi para maging palaman sa bulsa ng iilang taga-gobyerno.
Kung tunay na nais ng pamahalaan na ipakita ang kanilang integridad, dapat walang sinuman, gaano man kataas ang posisyon, ang makakalusot sa pananagutan. Sapagkat sa huli, ang anumang bahid ng katiwalian sa edukasyon ay hindi lamang pagkawala ng pera, kundi pagnanakaw mismo sa kinabukasan ng mga kabataan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments