top of page
BULGARY -HEART, TODO-IWAS MAGPAINTERBYU SA FLOOD CONTROL ISSUE NI SEN. CHIZ-IG _iamhearte.

Edukasyon, nananatiling pangunahing prayoridad sa pambansang badyet

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 12 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 2, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa mga susunod na araw ay inaasahang magbabalik ang milyung-milyong mga mag-aaral sa ating mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng School Year 2026-2027. Nagpapatuloy ang maraming hamon sa sektor ng edukasyon, ngunit mahalagang magpatuloy ang ating pagtutulungan, lalo na’t ang kinabukasan ng susunod na henerasyon ang nakasalalay dito. 

 

Balikan natin ang ilan sa mga hamong kinakaharap ng sektor ng edukasyon. Una ang 90% na learning poverty sa ating mga mag-aaral. Ibig sabihin, 9 sa 10 batang may 10 taong gulang ang hindi marunong bumasa at umunawa ng maikling kwento. Nariyan din ang kakulangan natin sa silid-aralan na ayon sa Department of Education (DepEd) ay hindi bababa sa 147,000 noong Hulyo ng nakaraang taon. 

 

Kinakaharap din natin ang malawak na suliranin pagdating sa nutrisyon. Batay sa mga pag-aaral, lumalabas na isa sa apat na batang wala pang limang  taong gulang ang itinuturing na stunted o maliit para sa kanilang edad. Ang stunting ay epekto ng kakulangan sa nutrisyon, lalo na sa unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata, mula sa sinapupunan hanggang sa kanyang ikalawang kaarawan.

 

Ilan lamang iyan sa mga sinasabi nating hamon. Bagama’t mabigat ang ating suliranin, may natatangi rin tayong oportunidad upang magpatupad ng mga solusyon. Noong ang inyong lingkod ay nanungkulan bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, tiniyak nating ang pinakamalaking bahagi ng 2026 national budget ay nakalaan sa sektor ng edukasyon: P1.3 trilyon ang inilaan natin para sa sektor, ang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa, katumbas ng 4.4% ng ating Gross Domestic Product (GDP). 

 

Sa kauna-unahang pagkakataon, nakasunod ang bansa sa rekomendasyon ng United Nations na ilaan ang katumbas ng apat hanggang anim na porsyento ng GDP sa edukasyon.

 

Bahagi ng pondong ito ang P8.9 bilyon para sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program na nagbibigay ng suporta sa mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong, kabilang ang mga hindi pa marunong at nahihirapang magbasa. Umabot naman sa P67 bilyon ang pondong inilaan natin ngayong taon para sa pagpapatayo ng higit 24,000 na mga silid-aralan, kung saan makikinabang ang 4.64 milyong mag-aaral.

 

Palalawakin din natin ang ating mga feeding programs. Umabot sa P25.7 bilyon ang inilaan natin para sa School-Based Feeding Program ng DepEd. Ngayon taon, lahat ng mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1 ay magiging saklaw na ng programa. Kung dati ay 120 araw lamang ang feeding days sa ilalim ng School-Based Feeding Program, aabot na ito sa 200 araw ngayong taon. 

 

Dinagdagan din natin ang feeding days sa ilalim ng Supplementary Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakatanggap ng P9.56 bilyon para sa taong ito. Kung dati ay 120 araw lamang ang feeding days, aabot na ito sa 180 ngayong taon. Saklaw ng programang ito ang mga batang dalawa hanggang limang taong gulang na enrolled sa mga child development centers.

 

Ngayong magsisimula na ang school year, makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy nating itataguyod ang kapakanan ng ating mga mag-aaral at mga guro. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page