Search
  • BULGAR

Edukasyon ang solusyon sa malalang sitwasyon ng trapiko sa bansa

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 15, 2021



Muli na namang naglabas ng ulat ang Serbia-based research firm na Numbeo na ang Pilipinas ay nasa pang-siyam sa buong mundo na may pinakamalalang sitwasyon sa trapiko.


Madalas namang maglabas ng ulat ang research firm na ito at simula pa noong 2015 ay tila nananatili tayo sa pang-siyam na puwesto at hindi man lamang tayo nagkaroon ng kahit kaunting pagbabago.


Bukod sa dami ng naglalabasang bagong sasakyan ay isa sa mga nakapagpapabagal sa daloy ng trapiko ay ang kawalan ng sapat na kaalaman sa batas-trapiko, tamang paraan nang pagmamaneho kabilang na ang kawalang respeto sa mga nagpapatupad ng batas-trapiko sa lansangan.


Kahit ano’ng bagong sistema ang dapat ipatupad upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko partikular sa kahabaan ng EDSA ay tila patungo ang lahat ng ito sa kabiguan dahil sa iyon at iyon din naman ang mga tsuper na hindi sumusunod sa batas.


Marami sa mga tsuper sa bansa ang magpapalusot at magpapalusot kapag may pagkakataon at alam nilang walang awtoridad na nakabantay para sila ay hulihin.


Kaya nga isinumite natin ang panukalang-batas na (S. No 451) o ang An act requiring the teaching of basic road safety as part of the curriculum of the K-12 program, and for other purposes.


Dahil nakita natin ang kawalan ng pundasyon ng maraming tsuper hinggil sa pagmamaneho at malaking porsiyento ng mga tsuper, maging pribado o maging ng pampublikong sasakyan ay kung saan-saan lang natutong magmaneho.


May ilan pang medyo nakaririwasa sa buhay ang papupuntahin sa siyudad ang ilang kaanak, tuturuan ng ilang araw na pagmamaneho tapos ipalalakad sa kumpare ang lisensiya at agad nang gagawing family driver.


Napakataas ng porsiyento ng mga ganyang driver na maliban sa pagpihit ng manubela at pag-apak sa preno ay wala nang ibang alam kung ang mga traffic sign ang pag-uusapan.


Sa iniakda nating panukala ang Basic Road Safety at Comprehensive Drivers’ Education ay isasama na sa curriculum ng lahat ng educational institutions, mula elementarya hanggang senior high school maging pampubliko o pribado.


Ang Department of Education (DepEd), sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Office (LTO), magkatuwang na ituturo ang lahat ng kailangan sa pagmamaneho alinsunod sa ating panukala.


Maliban sa DepEd ay nakaantabay din ang the Department of Transportation (DoTr), University of the Philippines National Center for Transportation Studies upang maituro hindi lang ang basic road safety kung hindi maging ang driving rules and regulations, driving courtesy, driving safety, road hazards, at vehicle safety features.


Maging ang responsibilidad, mga karapatan, limitasyon at pag-iingat ng mga pedestrians at commuters ay nakapaloob sa naturang curriculum upang kasabay na lumalaki ng mag-aaral na Pilipino ay ang tamang kaalaman hindi lang sa pagmamaneho kung hindi sa kabuuan ng paggamit ng kalsada.


Isa pa sa ating panukala ay ang (S.No 1213) o ang Creating the National Road Safety Unit (NRSU) under the Department of Transportation, and for other purposes.


Meron tayong Philippine Road Safety Action Plan (PRSAP) at ang NRSU ang siyang magsisiguro upang maipatupad ang 5 pillars nito tulad ng improve road safety management, (2) safer road, (3) safer vehicles, (4) safer road users, at (5) improve trauma care and rehabilitation.


May kasabihan nga na wala na tayong bagong tricks na maituturo sa matandang aso kaya dapat tuta pa lamang ay hubugin na at edukasyon lamang ang tanging solusyon para pagdating ng panahon ay makamit na natin ang disiplinang ating hinahangad.


Kaya matigas ang ulo ng maraming tsuper dahil akala nila ay iyon ang tama, pero kung simula pagkabata ay naturuan na ng tama ay unti-unti na nating mararamdaman ang pagbabago sa susunod na henerasyon.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.