top of page
Search
BULGAR

Edad 80,85,90,95, may cash gift na sa Enero 2025

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Nov. 9, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Minsan pang napatunayan na mas madaling makausad ang mga biktima ng kalamidad kung lahat tayo ay nagtutulungan tulad ng nangyari sa Paete, Laguna at Lian, Batangas na niragasa rin ng nagdaang Bagyong Kristine ilang linggo na ang nakalipas, kung saan parehong nalubog ang dalawang bayan sa matinding pagbaha.


Noong nakaraang araw ay inatasan natin ang ating Bayanihan Relief (BR) team na pangunahan ang pamamahagi ng tulong sa nabanggit na mga lugar matapos nating matukoy na dalawa sila sa napakaraming nasalanta noong nagdaang bagyo.


Unang tinungo ng ating team ang Paete, Laguna kung saan dinaluhan ni Mayor Ronald Cosico upang magbigay ng relief packs sa mga residente.


Bagama’t hindi tayo nakarating ng personal dahil balik sesyon na tayo sa Senado ay tiniyak nating nakarating ang ipinadala nating tulong.


Kasunod nito ay pinuntahan ng BR team ang Lian, Batangas at dito ay maayos na naipamahagi ang ipinadala nating tulong sa mga residente na lahat ay biktima rin ng pagbaha dulot ng Bagyong Kristine.


Inalalayan naman ang ating BR team ni Vice Mayor Ronin Leviste sa pamamahagi sa mga residente na lahat ay tuwang-tuwa dahil sa napapanahon umano ang pagbibigay na ito sa mga nangangailangan ng tulong.


Sa kasalukuyan ay patuloy ang paghahanda ng ating team sa mga ipapamahagi pa sa mga darating na kalamidad na hindi naman natin hinihiling, pero palagi nating pinaghahandaan.


Ayoko kasing kung kailan may pangangailangan dahil sa kalamidad ay saka magkukumahog para sa mga ipadadalang tulong.


Kaya ang sistema ng BR team — kung walang kalamidad ay abala sa pagbabasta para sa mabilis na pagresponde saan mang bahagi ng bansa.


Hindi ko man napuntahan ng personal dahil sa trabaho natin sa Senado ay tinitiyak

kong makakarating sa mga residente sa bawat bayan ang ipinadala kong tulong.


Pero kung naka-break naman ang sesyon ay personal ko talagang dinadalaw ang ating mga kababayan. Ngunit siyempre bilang senador ay kailangan din tayo sa Senado at abala tayo sa pagdalo para sa mga isinumite nating panukalang batas para sa kapakanan ng mga mamamayan.


Isa sa mga produkto ng ating pagsusumikap sa Senado ay ang pagkakapasa ng RA 11982 o Revilla Law. At sa darating na Enero ay magkakaroon na ng budget para sa mga senior citizen na sasapit sa edad na 80, 85, 90 at 95.  Kung sino man ang aabot sa nasabing mga edad ay mapagkakalooban natin ng P10,000. Kapag umabot ng edad na 100, P100,000 naman ang kanilang makukuha.


Kaya ko lamang nabanggit ay upang maunawaan ninyo na hindi ako basta nagbubutas lang ng upuan sa Senado dahil seryoso akong nagtatrabaho at isa rin sa dahilan kung bakit minsan ay hindi ako nakakapunta ng personal sa pamamahagi ng tulong sa nangangailangan. 


Umasa kayo na hindi ko pababayaan ang ating mga kababayan, lalo na ang mga sinalanta ng kalamidad. At napakarami pa nating isinumiteng panukalang batas na inilalaban natin ng pukpukan hanggang sa kasalukuyan — ang lahat ay puro sa kapakanan ng ating mga kababayan.


Sana lang ay wala ng matinding kalamidad na sumalanta sa atin para tuluy-tuloy lang ang buhay at ligtas ang bawat isa.


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page