Dyornalismo, ‘di kailanman malalaos, nagbabago lang ng anyo
- BULGAR

- Oct 21, 2025
- 3 min read
ni Ka Ambo @Bistado | October 21, 2025

May mga nagsasabi na nalipasan na raw ng panahon ang mainstream media dahil sa teknolohiya ng digital stream ng mga impormasyon.
Hindi ito ganoon katotoo.
Kinakapos lang ng pang-unawa ang lahat.
----$$$--
DAPAT nating maunawaan na ang dyornalismo ay hindi kailanman malalaos, nagbabago lang ito ng anyo.
Nang wala pang imprenta, inuukit lang sa dahon ng halaman, bato at kahoy ang mga impormasyon — at ito ang ugat ng dyornalismo.
----$$$--
NANG mauso ang imprenta, nilikom ang mga impormasyon at ginawang Bibliya.
Ang unang apat na aklat ng Bagong Tipan sa Banal na Kasulatan ay aktuwal na mainstream media: “Ang Mabuting Balita” o “The Good News”?
-----$$$--
SA Old Testament, aktuwal na dyornalist si Moses na siyang sumulat ng maraming aklat upang makaabot sa ating henerasyon ang mga sinaunang kaalaman.
Malalaos ba ang Bibliya?
Hindi. Kailanman!
----$$$-
HINDI kailanman, malalaos ang Bibliya, bagkus ito pa rin ang pinaka-best seller na aklat sa daigdig hanggang ngayon.
Maraming sekta, ideolohiya, Konstitusyon at gabay panglipunan — ay hinugot at kinopya mula sa pilosopiya at esensiya na napapaloob sa Banal na Kasulatan — na siyang orihinal na “mainstream media”.
----$$$--
SA radio at telebisyon naman ang imahe na nakikita ng mata at tunog na umaabot sa pandinig.
Iyan naman ang brodkasting na kakambal ng dyornalismo.
----$$$--
DATI-RATI ay hindi ka puwedeng makipagkonek nang wala kang hawak na papel at lapis, pero ngayon ay puwede na.
Hindi na uso ang papel at lapis, pero ito mismo ang pundasyon ng komunikasyon at orihinal na "gadgets" — na hindi kailanman malalaos.
-----$$$--
KINAKAPOS lamang ng pang-unawa o nabigong makasabay sa modernisasyon ang mga taong gumagalaw sa larangan ng pamamahayag.
Naging modern na ang teknolohiya, pero ang mga tao ay patuloy pa ring niyayakap ang kahon o padron na kanilang kinalakihan o nakasanayan.
----$$$--
WALA na, yumao at nagretiro; dili kaya’y kakaunti na lamang ang aktibong editor o news director na siyang tunay na may karanasan sa pamamahayag.
Nabigo sila na makasabay at hindi nailipat ang kanilang pambihirang kaalaman, kakayahan at diskarte sa mga kabataan.
-----$$$--
KAILANGAN pa ring mapagdugtong ang mayabong na karanasan at kasanayan ng mga batikang editor, pero walang nangangahas na pagsanibin ito sa modernong teknolohiya.
Bigo rin ang akademisyan na pagyabungin ang pamamahayag kung saan nagkakasya lang sila sa pagmamasid imbes na aktibong makilahok sa nagbabagong anyo ng dyornalismo.
----$$$--
SA totoo lang, kahit ang inyong abang-lingkod na may higit nang apat na dekada sa pamamahayag at serbisyo-publiko — ay nangangapa sa modernisasyon sa pamamahayag.
Sa kabila ng sagwil sa pag-unawa, sinisikap pa rin nating makisabay — o unahan ang ibang nagtatangka na babuyin ang dyornalismo — gamit ang palsipikadong mga impormasyon at iskema.
-----$$$--
LINGID sa kaalaman ng iba, marami pa rin ang suki at sumusubaybay sa tradisyunal na pamamahayag lalo na sa siyudad ng Pasay at lalawigan ng Bulacan na sumusubaybay sa pahayagang ito partikular sa ating espasyo.
Kabilang sa nanatiling suki ang mga may edad na at retiradong dentist na si Lola Rozalinda Baguyo, edad 86; at maging ang retiradong principal na si Lola Aurora Fronda – kapwa ng Barangay Villamor sa Pasay.
----$$$--
NAGTITIYAGANG bumili ng BULGAR newspaper sa newsstand ang dating dentist sa Philippine Air Force Hospital na si Lola Rozalinda at maging ang dating principal sa VABES na si Lola Auring — nananatiling suki sila ng mainstream media sa gitna ng modernong teknolohiya.
Bahagi ng kanilang araw-araw na buhay ang “content” ng ating pahayagan partikular ang opinyon sa ating kolum.
-----$$$--
GANYAN din sa lalawigan ng Bulacan, nananatiling suki ang mga Bulakenyo ng pundasyon at haligi ng Wikang Tagalog.
Hangga’t may nangungusap nang Tagalog — ang mayorya ng populasyon — hindi kailanman, malalaos ang mainstream media — maghuhunos lamang ito sa bagong anyo.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments