top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Duterte legacy hanggang sa huli

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 24, 2021
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |November 24, 2021



Sa mahigit dalawang dekada nating paninilbihan kay Pangulong Rodrigo Duterte, natutunan natin ang totoong serbisyong tapat at may malasakit — ang serbisyong Tatak Duterte. At tulad ng palagi niyang ipinapangaral, “Kapag inuna mo ang kapakanan ng ating kapwa tao, hinding-hindi ka magkakamali.”


Ang ating prinsipyo, pagmamahal sa bayan, sipag at serbisyo ang ating puhunan sa halalang ito.


Kung mabibigyan tayo ng pagkakataon, sisiguruhin nating walang oras—ni minuto—ang

masasayang, maipaabot lang natin ang serbisyong nararapat para sa ating mga kababayan.


Continuity ang pagtutuunan natin kung tayo ay maihalal bilang Pangulo. Ipagpapatuloy at daragdagan pa natin ang mga proyekto at programang sinimulan ni Pangulong Duterte. Gagawin natin ito upang masigurong tuluy-tuloy ang pag-asenso at mas magiging maginhawa ng buhay ng bawat Pilipino.


Sa ating unang 100-araw, sisikapin nating mapabilis ang pagbalik ng sigla ng ekonomiya sa panahon ng pandemya. Papalaguin natin itong muli upang makamit ang ating target bago tumama ang COVID-19.


Tutugunan natin ang pangangailangan ng sampung milyong pinakamahihirap na mga Pilipino.


Kailangan nating maglatag ng mas marami pang programa upang matulungan silang maiahon mula sa kahirapan. Ilan dito ay ang pagbibigay ng trabaho, kabuhayan, at puhunan sa pamamagitan ng financial assistance at low-interest, easy-to-access loans na may kaakibat na trainings hinggil sa maayos na pagpapalago ng kabuhayan.


Naniniwala rin tayo na malaking tagumpay ang Build, Build, Build Program ng administrasyon kaya ito ay ating palalawakin pa. Bilang bansang binubuo ng maraming isla, napakahalaga ng interconnectivity upang mas mabilis, ligtas at maginhawa ang paglalakbay.


Siguraduhin nating matatapos ang mga proyektong naantala dahil sa pandemya at dagdagan pa natin ang mga ito ng mga pinabuti at bagong paliparan, daungan, kalsada, tulay at iba pa. Malaki rin ang papel nito sa pagpapalakas ng ating ekonomiya.


Bibigyan din natin ng pansin ang edukasyon. Isang college graduate sa bawat pamilyang Pilipino ang isa sa ating pangunahing layunin. Sisiguruhin din nating magkaroon ng dagdag-kapasidad ang ating mga kababayan para maihanda sila sa mga hamon ng makabagong teknolohiya at maging globally competitive sa kanilang mga propesyon.


Kailangan din nating ipagpatuloy ang pagpapalakas ng ating healthcare system upang mas magiging matatag at handa ito sa pagdating ng mga panibagong hamon sa kalusugan at buhay ng mamamayan. Sa pamamagitan ng Malasakit Centers at iba pang mga programang pangkalusugan, ilalapit natin ang gobyerno sa tao upang maproteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino.



Ilan din sa mga kailangang gawin ay ang pagtatatag ng Center for Disease Control and Prevention at ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines. At dahil sa epektibong estratehiya ng kasalukuyang administrasyon kung saan dahan-dahang binubuksan ang ekonomiya habang binibilisan ang vaccine rollout at nagbibigay ng recovery packages sa mga tinamaang sektor, nakikita na natin ang liwanag at pag-asang tuluyang malalampasan na natin ang pandemya.


As of November 22, meron nang mahigit 76.5 milyong doses ng COVID-19 vaccine ang naiturok, kung saan merong 42.6 milyong Pilipino ang nakakuha ng first dose at 33.8 milyong kababayan natin ang fully vaccinated. Meron na ring kabuuang 134.5 milyong doses ang dumating na sa bansa at inaasahang darami pa ito.


Higit sa lahat, sisiguraduhin nating mararamdaman ng bawat Pilipino hanggang sa pinakasulok ng bansa ang magagandang programa na makakabenepisyo sa kanila.


Papaigtingin natin ang laban kontra ilegal na droga, korupsiyon at kriminalidad upang mabigyan ng ligtas at maginhawang buhay ang ating mga anak.


Malayo na ang ating narating. Marami na ang mga pagbabagong sinimulan ni Pangulong Duterte. Mas bumibilis ang pagbibigay ng mga serbisyo at mas maraming mahihirap na mga kababayan natin ang umaangat sa buhay.


Papunta na tayo sa mas komportableng buhay kung hindi lang nagkaroon ng pandemya. Kung kaya’t dapat lamang na hindi masayang ang ating mga pinaghirapan upang maisakatuparan ang ating minimithi para sa Inang bayan.


Kahit saan man tayo dalhin ng tadhana, ipaglalaban natin ang interes at kabutihan ng ating mga kababayan. Tuloy ang malasakit. Tuloy ang serbisyo. Ituloy ang pagbabago!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page