Search
  • BULGAR

Duterte gov’t, masyadong bukas-palad sa mga kumpanya mula China

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 15, 2020


Tuluy-tuloy na ang dalawang proyekto kung saan papasok ang mga kumpanya mula China sa mga base-militar ng ating bansa.


Nilagdaan na ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang kasunduan para magtayo ng cellphone towers, ang Dito Telecommunity Corp. sa ilang base-militar ng bansa.


Samantala, ilang grupo naman ang nagpahayag ng pangamba na maaaring mag-ispiya ang China sa pagtayo ng cellphone towers sa loob ng bansa—na sa base-militar pa.


Ayon kay Sen. “Kiko” Pangilinan, ang pagbabawal ng Amerika at iba pang bansa sa mga kumpanyang telco mula China ay dahil inakusahan ang mga ito ng pag-iispiya—na dapat ay magbigay-babala sa ating bansa.


Tiniyak ni AFP spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo na handa ang AFP na kontrahin ang anumang kilos ng pag-iispiya na maaaring gawin ng China. Pero kung ipagbawal ito ng Amerika at iba pang bansa, hindi kaya dapat sumunod tayo sa kanila?


Samantala, ang China Communications Construction Co. Inc. (CCCC), isa sa mga kumpanyang naglikha ng mga artipisyal na isla sa South China Sea na ngayon ay ginagamit na ng militar ng China. ‘Yan ang dahilan kaya sila blacklisted ng Amerika, pero sa Pilipinas, tila welcome pa sila.


Gayundin, tutol ang PH Navy sa planong tambakan ang makasaysayang Cañacao Bay, ang lugar kung saan naganap ang Battle of Manila Bay—hindi raw ito dapat tambakan lang.


Mabuti na lang at listo ang ating AFP sa mga proyektong ito. Tataas naman ang kilay natin dahil sa pagkabukas-palad ng administrasyon sa mga kumpanya mula China, kahit may mga pag-aalala at pangamba mula sa mamamayan.


Sana nga’t handa ang AFP sa anumang gagawin ng China na hindi maganda kung maganap nga ito. Nasa loob na ito ng ating bakuran, kung hindi mapigilan ang China na maglikha ng mga isla sa South China Sea, ano pa ang kaya nilang gawin kapag nasa bakuran na natin?

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.