top of page

Drug test sa mga taga-Senado, ituloy pa rin kahit nag-resign na si Nadia Montenegro

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 19, 2025
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 19, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAS MASAHOL PA KAY PORK BARREL QUEEN JANET NAPOLES ANG MAG-ASAWANG DISCAYA -- Maituturing na pang-i-scam sa kaban ng bayan ang mga nabulgar na mga substandard at mga tinenggang (hindi tinapos) flood control projects ng mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya.


Binigyan kasi sila ng sapat na pondo ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH), pero ang ginawa ng mag-asawang ito ay tinipid ang mga materyales para sa flood control projects at ang iba pang ganitong uri ng kanilang proyekto ay iniwang nakatengga kaya ang dulot kung saang mga lugar meron silang proyektong pangontra sa baha, ay mas lalong binaha.


Kaya kung pang-i-scam sa kaban ng bayan ang pag-uusapan, maituturing na mas masahol pa kay pork barrel queen Janet Napoles sina Mr. and Mrs. Discaya, dahil P10 billion lang ang na-scam nito sa kaban ng bayan, pero ang mag-asawang Dizcaya, base sa record ng DPWH mula year 2022 hanggang year 2024 ay halos P30B ang nakopong mga flood control project ng kanilang mga construction firm, at hindi pa kasama riyan ang mga nakopo rin nilang mga proyekto mula year 2021 pababa, tsk! 


XXX


SA UTOS NI P-NOY NOON NA WALANG SASANTUHIN SA MGA KAKASUHAN SA PORK BARREL SCAM KAYA MAY MGA SENADOR AT KONGRESISTANG NAKULONG, DAPAT GANYAN DIN UTOS NI PBBM SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM PARA MAY HIMAS-REHAS ULING MGA SEN. AT CONG. -- Kaya nang pumutok ang isyung pork barrel scam ni Napoles noong July 2013 ay agad iniutos ng noo’y Pres. Noynoy Aquino sa Dept. of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Office of the Ombudsman at Commission on Audit (COA) na magsanib-puwersa sa imbestigasyon at ang mahigpit na utos, walang dapat santuhin sa mga sasampahan ng kaso kaya nang matapos ang imbestigasyon, may mga nakasuhan at nakulong na mga senador, kongresista at gov’t. officials na nabulgar na kasabwat ng pork barrel queen sa pang-i-scam sa kaban ng bayan.


Kaya’t dapat tularan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang ginawa ni P-Noy, utusan din niya ang DOJ, NBI, Ombudsman at COA na joint forces din sa imbestigasyon sa flood control projects scam at dapat wala ring sasantuhin para mahubaran ng maskara ang mga senador at kongresistang kasabwat ng mag-asawang Discaya at ng iba pang kontraktor na nang-scam sa pondo ng bayan, period!


XXX


KAPAG HINDI PINAGBIGYAN NI SP ESCUDERO HIRIT NG MGA MINORITY SENATORS NA I-OPEN SA PUBLIC ANG BICAMERAL BUDGET DELIBERATION, MALAMANG ISIPIN NG PUBLIKONG MAY BALAK NA NAMAN SIYANG MAGSINGIT NG PORK BARREL SA 2026 NATIONAL BUDGET -- Inaprub na ni Speaker Martin Romualdez ang resolusyon ng mga kongresistang miyembro ng majority at minority ng Kamara na isapubliko ang gagawin nilang bicameral budget deliberation para sa national budget next year, pero si Senate President Chiz Escudero ay dedma lang sa ganito rin na resolusyon (i-open sa public bicameral budget deliberation) ng mga senador na mula sa minorya ng Senado.


Kapag hindi pinagbigyan ni SP Escudero ang hirit nina Senators Risa Hontiveros, Ping Lacson at Tito Sotto, malamang pagdudahan na naman siya ng publiko na may binabalak siyang magsingit ng pork barrel sa 2026 national budget, boom!


XXX


DRUG TEST SA MGA TAGA-SENADO DAPAT ITULOY PA RIN KAHIT NAG-RESIGN NA SI NADIA MONTENEGRO SA OPIS NI SEN. PADILLA -- Nag-resign na si former actress Nadia Montenegro bilang political officer ni Sen. Robin Padilla, matapos na lumabas sa report ng Senate Sergeant-at-Arms na may kakaibang amoy na tila marijuana umano sa loob ng female comfort room ng Senado, kung saan siya naroroon.


Sana, kahit nag-resign na si Montenegro ay ituloy pa rin ni SP Escudero ang panawagan ni Sen. Sotto na isailalim sa drug test ang lahat ng mga senador, mga staff at kawani ng Senado para malaman na baka may mga ‘natirang’ sugapa sa droga sa loob ng Senate of the Philippines, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page