top of page

Drug test sa lahat ng PUV driver, gawing regular at mandatory

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 6, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 6, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa gitna ng sunud-sunod na trahedyang kinasasangkutan ng mga pampasaherong sasakyan, panahon na marahil para tratuhin ang transportasyon hindi lang bilang serbisyo, kundi bilang responsibilidad na nangangailangan ng matinding disiplina.


Kaya mahalaga ang plano ni Transportation Secretary Vince Dizon na ipatupad ang regular na drug testing sa lahat ng drivers ng public utility vehicles (PUV), isa itong hakbang na matagal ng kinakailangan — at dapat noon pa isinagawa.


Hindi natin maikakaila na maraming sakuna ang nangyayari sa kalsada nang dahil o bunga ng kapabayaan.


Kamakailan, 10 katao ang nasawi sa banggaan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) Toll Plaza, kabilang ang apat na menor-de-edad. Nasundan ang aksidenteng ito ng isang van na may sakay na miyembro ng Seventh Day Adventist Church ang nabangga ng bus na Solid North. Ang drayber lang ng van ang nakaligtas. Ilang araw lang ang pagitan, dalawa pang buhay ang nawala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, matapos araruhin ng Sport Utility Vehicles (SUV) ang departure area. Sa mga ganitong pangyayari, malinaw na hindi na sapat ang kasalukuyang regulasyon. Kaya mabuti at kumikilos na ang Department of Transportation (DOTr). 


Ayon kay Dizon makikipagtulungan ang Land of Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para maisakatuparan ang mas mahigpit na drug testing.


Dagdag pa rito, iminungkahi na rin ang pagbabawas ng maximum driving hours ng PUV drivers mula anim na oras pababa sa apat — na sinasabing pinagbatayan sa ibang bansa. Ito ay hindi lamang para sa kaligtasan ng mga pasahero, kundi para na rin sa kapakanan ng mismong nagmamaneho.


Kaugnay nito, bukod sa mga naturang hakbang, sinuspinde naman ang operasyon ng naturang bus company, gayundin lahat ng kanilang 273 bus ay isinasailalim sa inspeksyon habang ang kanilang mga drayber ay kinailangang sumailalim sa drug testing. 


Sa ganang akin, sa lalong madaling panahon ay ipatupad na ang mandatory drug testing sa lahat ng mga driver ng pampublikong sasakyan at gawin itong regular, at kung hindi kayang sumunod sa regulasyon o patakaran, hindi na rin sila dapat payagang magmaneho sa mga lansangan. 


Walang sinuman ang may karapatang magmaneho ng pampublikong sasakyan kapag kaligtasan na ng marami ang nalalagay sa panganib.


Salamat at mabilis din ang pagtugon ng pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga naulila — mula sa tulong pinansyal hanggang sa legal na suporta. Mahalaga ang mga bagay na ito, pero mas mahalaga pa rin ang pag-iwas sa anumang trahedya sa kalsada.

Hindi tama at hindi dapat nagiging normal ang pagdadalamhati sa mga naulila.


At kung seryoso ang DOTr na ayusin ang sistema, hindi ito dapat panandalian lamang. Kailangang ito ang maging simula ng mas istriktong pagbabago. Alalahanin din sana na sa mga kalsada maraming buhay ang laging nakataya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page